Magsasagawa ng isang buwang work immersion ang mga estudyante ng Ballesteros National High School (BNHS) sa Cagayan Animal Breeding Center and Agri-eco Tourism Park sa Zitanga,Ballesteros, Cagayan simula ngayong Lunes, Marso 04, 2024.

Ang immersion ng mga estudyante ng BNHS ay bahagi ng Senior High School Curriculum na isa ring programa ng Kagawaran ng Edukasyon kung saan ay sasailalim sila sa aktuwal na trabaho.

Ayon kay Dr. Noli V. Buen, Provincial Veterinarian ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan, unang pagkakataon aniya na may isasagawang immersion sa breeding center kung saan ay nasa 29 na mga estudyante ito ng Agri-Fishery Arts at Science, Technology, Engineering and Mathematics (STEM) ng BNHS.

Pangungunahan naman nina Dr. Wilfredo S. Iquin Jr. at Dr. Cayetano U. Rabanal Jr. ang lectures hinggil sa mga proyekto na mayroon ang breeding station. Ituturo at ipapakita rin ang aktuwal na pag-aalaga ng mga alagang hayop.

Samantala, umaasa ang Provincial Veterinary Office (PVET) na ang karanasan ng mga estudyante ng BNHS sa breeding center ay makatutulong sa kanilang pag-aaral.