Pinangunahan ni Atty. Mabel Villarica-Mamba, Unang Ginang ng Cagayan ang welcome dinner na inihanda ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa pamumuno ni Governor Manuel N. Mamba sa mga kalahok na vloggers at travel agents ng “PALakbayan AdvenTOUR sa Endless Fun Cagayan” na naganap sa Cagayan Museum and Historical Research Center, Tuguegarao City kagabi, March 14,2024.

Malugod naman na pagbati ang muling inihayag ni Jenifer Junio-Baquiran, OIC-Cagayan Tourism Office at Kevin D. Baclig, Museum Curator sa mga bisita. Dinaluhan din ni Maila Ting-Que, Mayor ng Tuguegarao City, Lt.Col. Jhonalyn Tecbobolan, at Gina Adducul, City Tourism Officer, kasama ang ilang mga department head ng Kapitolyo ng Cagayan.

Sa kanyang mensahe, inihayag ni Atty. Villarica-Mamba na sadyang napakaganda ng Cagayan. “Cagayan has been on the map. The famous Homo luzonensis was discovered in Cagayan,” buong pagmamalaki ng Unang Ginang.

Aniya, isa sa mga adhikain ni Governor Manuel Mamba ay mabuksan ang lalawigan sa ibang bansa para sa international trade at tourism. Ngunit sambit niya na bago pa man binuksan ang Cagayan ay sinimulang ayusin ng ama ng lalawigan ang mga daan at pasilidad.

“Since 2016, the Governor focused on infrastructure developments and we are proud to showcase these developments in Cagayan,” sambit ni Atty. Villarica-Mamba.

Pinasalamatan din niya ang lahat ng mga kalahok, lalo ang Philippine Airlines na nagsulong ng aktibidad na ito.

Samantala, ibinahagi rin ni Baclig ang malaking pagbabago ng Cagayan Museum simula nang si Governor Mamba ay maupo bilang ama ng lalawigan.

Aniya, ngayon ang Panlalawigan Museo ay isang cultural hub at buong pagmamalaki niyang ibinahagi ang pagkamit nito ng national award noong nakaraang taon.

Sa pagdating naman ng mga bisita kahapon ng umaga, isang welcome program ang isinagawa sa Kapitolyo ng Cagayan. Matapos ito ay umikot at pumasyal sila sa Basilica Minore of Our Lady Piat at sa Callao Caves sa bayan ng Peñablanca.

Bago naman ang welcome dinner sa Cagayan Museum, nagkaroon muna ng guided tour sa Panlalawigang Museo kung saan nakita ng mga bisita ang mga gallery exhibit.

Ipinakita rin sa mga kalahok ang mga pelikulang nanalo sa 2nd Tourisinema Short Film Festival na isinagawa ng Cagayan Tourism Office noong Enero.

Kasama sa kanilang itinerary ngayong araw, Marso-15 ang nature-based adventure, pilgrimage at culture tour kasama ang Bluewaters sa Baggao, Pusian Forest Lake sa Alcala, Tocolana Ruins sa Lal-lo, at iba pa.