Nilagdaan ang isang usufruct agreement sa pagitan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa pangalan ni Governor Manuel Mamba at Philippine Statistics Authority (PSA) sa pangalan naman ni Civil Registrar General Claire Dennis S. Mapa, ngayong Pebrero 26, 2024.

Nilagdaan ng dalawang panig ang usufruct agreement na nagbibigay ng pribilehiyo sa PSA na magamit ang pagmamay-ari ng lupa ng Pamahalaang Panlalawigan sa Barangay San Gabriel, Tuguegarao City, Cagayan.

Ang lupa ay mayroong sukat na 1,803 square meters na inaasahang pagtatayuan ng PSA Provincial Office building sa lalawigan.

Bago ang paglagda, ipinaabot ni Clemente S. Manaog, Planning and Management Service bilang kinatawan ni Registrar General Mapa ang kanilang pasasalamat sa Gobernador sa pagkakataon na ibinigay sa PSA.

Ipinangako naman ni Gob. Mamba na patuloy ang kanyang pagsuporta sa PSA lalo pa at ang mga ginagawa katulad ng mga survey ay mahalaga para sa pagbuo ng mga polisiya para sa ikauunlad ng pamayanan.

“The statistics and the figures are very important for the development, especially for the LGUs. Rest assured that we support and for the cooperation of PGC to the PSA,” sambit ng Gobernador.

Bago rito ay hiniling ng PSA sa Gobernador at binigyan naman ng otorisasyon ng Sangguniang Panlalawigan si Gob. Mamba na pumasok sa kasunduan.

Nakasama rin sa virtual signing si 3rd District Board Member Rodrigo De Asis, PSA Region 02 OIC Girme Bayucan, PSA Cagayan Engr. Elena Rivera, Soc Ramores, at Atty. Carlo Mayo Antalan.