Nagpulong ngayon si Cagayan Governor Manuel Mamba at Undersecretary for the Public Health Services Team Maria Rosario Vergeire ng Department of Health (DOH) sa Capitol Main Building, Tuguegarao City, ngayong Lunes, Pebrero 26, 2024.

Pinag-usapan ng mga opisyal ang patungkol sa pagtatayo ng mga ospital sa lokalidad na ani Usec. Vergeire, “mushroom of hospitals” dahil minsan ay wala umanong sustainability.

Kaugnay rin ito sa mga ospital na itinatayo sa mga hindi stratehikong lugar. Ayon kay Gob. Mamba, ito aniya ang dahilan kung bakit niya isinara ang ilang maliliit na ospital sa bayan ng Baggao noon dahil sa kawalan ng personnel na pangunahing kailangan ng isang ospital.

Ayon naman kay Vergeire mayroong hakbang o polisiya ang DOH sa pagmap-out sa mga ospital sa lokalidad.

Sinabi pa niya na nakatakda rin siyang makipagpulong kay Cagayan Valley Medical Center (CVMC) Chief Dr. Glenn Mathew Baggao upang pag-usapan ang pagkakaroon ng mga espesyalista sa mga lokal na ospital at magkaroon ng regular arrangement upang hindi lahat ay magtutungo sa CVMC at mas mailapit ang serbsiyo.

“Nakita nga natin ‘yun, yung parang mushroom of hospitals without sustainability; but we have policy regarding that.

I will also talk to Dr. Glenn regarding regular arrangement of specialist sa mga local hospitals para hindi lahat ay pupunta sa CVMC,” sambit ni Usec. Vergeire.

Isa rin sa tinalakay ang pagkakaroon ng “elderly center”.

Sinabi ni Gob Mamba ang isa sa mga magandang proyekto na napansin niya sa pagbisita sa bansang China ang pagkakaroon nito.

Sinabi naman ni Assistant Regional Director Mar Wynn Bello ng DOH Region 02 na nakatakdang buksan na rin ang “senior citizen wellness center” sa Tuguegarao City at Abulug.

Ito aniya ang dalawa lamang sa buong bansa.

Ibinalita rin ni Provincial Health Officer Dr. Rebecca Battung na “all-set na ang Lav for All Caravan bukas sa Cagayan Sports Coliseum, Tuguegarao City

Samantala, nakasama rin sa pagpupulong si DOH Regional Director Dr. Razel Nica Hao, PDOHO Cagayan Dr. Grace Delim at mga staff ni Usec Vergeire.