Nagsagawa ng tree planting activity ang mga iba’t ibang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) sa probinsya ng Cagayan ngayong Miyerkules, Pebrero 21, 2024.

Ito ay bilang bahagi ng ikatlong anibersaryo ng “I Love Cagayan River Movement” na may layuning isaayos ang Ilog Cagayan at tributaryo nito.

Kabilang sa mga nagsagawa ng tree planting ay ang MDRRMO Alcala na nakapagtanim ng 70 bamboo propagules sa gilid ng Cagayan River sa bahagi ng Barangay Bangkero-Tupang; 200 seedlings ng butterfly tree naman ang MDRRMO Amulung, at 50 bamboo propagules ang MDRRMO Camalaniugan.

Bukod sa mga MDRRMOs, nakiisa rin ang City Environment and Natural Resources Office (CENRO)-Tuguegarao kasama ang City DRRMO sa aktibidad at nakapagtanim ng 200 seedlings sa gilid ng Cagayan River na bahagi ng Brgy. Annafunan West.

Katuwang ng mga MDRRMOs at CENRO na nagtanim ang mga Brgy. Officials, Municipal Environment and Natural Resources Office, kawanni ng Philippine National Police (PNP), mga mag-aaral, at ilang volunteers.

Nabatid na magsasagawa rin ng kahalintulad na aktibidad ang ibang MDRRMO bago matapos ang buwan ng Pebrero bilang pakikiisa sa pangangalaga sa Ilog Cagayan.