Isinagawa ng Office of Transportation Cooperatives ng Department of Transportation (DOTr-OTC) ang oryentasyon sa mga transport cooperative sa rehiyon dos kaugnay sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) Social Support, at Fleet Management System sa Commissary Hall, Capitol Compound, Tuguegarao City, kahapon, Nobyembre-14.
Ang probinsiya ng Cagayan ang naging host para sa mga transport cooperative na galing sa mga lalawigan ng Isabela, Quirino, Nueva Vizcaya, Kalinga at Apayao katulad ng CVCATCO, SAVTOSCO, SITCO, MVTC, NORTRANSMPC, Progressive Trans Coop, CIVTRAC, FEVTC, NCTC, at iba pang kooperatiba.
Malugod namang tinanggap ni Governor Manuel Mamba ang mga miyembro ng mga kooperatiba at mga opisyal mula sa DOTr Central Office.
Sa kanyang mensahe, muling inihayag ng Gobernador ang malaking responsibilidad ng transport sector sa pag-unlad ng isang pamayanang nagkakaisa. Dito rin niya ibinahagi na ang probinsiya sa pamamagitan ng muling pagbubukas ng Port of Aparri at pagtatayo ng International Airport ay mayroong malaking ambag sa pag-unlad at makatutulong ito sa transport sector dahil na rin sa mga aasahang pagdating ng mga turista mula sa mga mayayamang bansa katulad ng China.
Binati naman ni Celino Geronimo, Administrative Officer ng OTC ang ama ng lalawigan sa kanyang naging mensahe.
Kaugnay rito, isa-isang ipinaliwanag ni Maru Jane C. Tengson, Cooperative Development Specialist ng OTC ang stakeholder support programs at salient features ng “EnTSUPERneur” and “Tsuper-Iskolar”.
Una na ring inilunsad ang proyektong ito sa San Fernando Pampanga at La Union noong nakaraang buwan ng Oktubre at kasalukuyang isinasagawa sa iba pang rehiyon.
Layon ng programang ito na magkaroon ng ugnayan sa mga transport group at indibidwal sa buong bansa at hikayatin silang suportahan at makibahagi sa pagsusumikap ng gobyerno sa modernisasyon ng transportasyon sa bansa.###