Umabot sa 27 na mga batang may cleft palate o may bingot ang naserbisyuhan sa taunang isinagawang libreng cleft surgical mission ng Tuao District hospital nitong Sabado, Marso 02, 2024.

Ayon kay Dr. Nicasio Galano Jr, Chief hospital ng Tuao District Hospital, ang 27 na pasyente ay mula sa Tuao, Sto. NiƱo, Solana, Sanchez Mira, Buguey, Gattaran, Ballesteros, Aparri, Amulung, Camalaniugan, Gonzaga, Sta. Teresita, at Piat, Cagayan.

Kasama rin dito ang apat na pasyente mula sa Tabuk Kalinga at isa naman ang galing sa Rizal Kalinga. Pinakabata umano sa mga pasyente ay 3 months habang nasa 22 anyos ang pinaka matanda.

Ayon pa kay Dr. Galano, naging mas madali umano ang operasyon nila ngayon katuwang ang Local Government Unit (LGU)-Tuao, dahil umabot lamang sa sampung oras.

Sinabi rin nito, na ang isinasagawang taunang surgical mission ay inisyatiba nina Governor Manuel N. Mamba at kanyang maybahay na si Atty. Mabel Mamba katuwang ang Philippine Band of Mercy, Mabuhay Shiners International, Karayan Shrine Club, at Smile Train.

Dagdag pa nito na ang ilan sa mga pasyente ay pauuwiin na ngayong araw ng Linggo at bukas naman ang iba, araw ng Lunes. Gaganapin naman ang follow-up check up para sa mga pasyente sa Marso 12, 2024.

Samantala, isinagawa ng Tuao District hospital ang screening noong Pebrero 22 at Marso 1, 2024 ang admission para na naturang aktibidad.