Nagsagawa ng talakayan at konsultasyon si Mr. Yuan-Ching Peng, agriculture expert sa pagitan ng mga miyembro ng Irrigator’s Association (IA) sa bayan ng Tuao, Cagayan ngayong Miyerkules, Pebrero 21, 2024

Si Mr. Cheng ay kasama sa grupo ni Ambassador Wallace Chow, Representative of the Taipei Economic and Cultural Office in the Philippines (TECO), Republic of China (Taiwan) na ngayon nasa probinsiya ng Cagayan upang tingnan ang mga potential areas para sa kooperasyon ng TECO at Cagayan sa sektor ng agrikultura at aqua-culture maging sa turismo.

Unang binisita ng grupo ni Ambassador Chow kasama si Provincial Administrator Atty. Maria Rosario Mamba-Villaflor, ang isang cacao farm sa barangay Alabiao kung saan ipinaliwanag naman ng tauhan mula sa Office of the Provincial Agriculturist (OPA) ang iba’t ibang variety na naitanim. Napansin ni Mr. Peng ang mga bakas ng insekto na dumapo sa mga cacao fruit kaya kanyang inirekomenda ang paggamit ng organic insect repellant sa pamamagitan ng bulaklak na “Marigold”.

Ayon naman kay Engr. Pearlita Mabasa, kanila nang inobasyon ang marigold insect repellant sa Cagayan Farm School. Ipinagmalaki rin niya ang produksyon ng tsokolate ng bayan mula sa naaning cacao seeds. Ipinatikim rin ng mga cacao farmer sa mga bisita ang sikat na produktong tsokolate.

Sumunod namang nakipagpulong ang grupo sa mga opisyal ng National Irrigation Adminsitration (NIA) Sub-Office sa bayan ng Tuao. Iprinisinta ni Froilan Ramirez, Supervising Division Officer, Carol Tumaneng Cluster head at Noel Aguirre Supervising Engineer, ang pagtatayo ng Chico River Pump Irrigation System at ang lawak ng palayan maging ang bilang ng mga magsasaka na makikinabang rito. Kanila ring ibinahagi na mayroong programa ang NIA sa 3rd cropping season kung saan magbibigay ng subsidiya ang ahensiya gaya ng binhi, labor, at fertilizers sa mga marginalized farmer ng bayan.

Sumunod dito ay, nakipagpulong na sina Ambassador Chow at Mr. Peng sa mga IAs kasama si Governor Manuel Mamba kung saan itinanong kay Mr. Peng ang patungkol sa mababang yield o ani gamit ang inbred seed sa ikalawang cropping at paggamit ng organic fertilizer. Bagamat maikling oras lamang ang talastasan, ibinahagi ni Peng ang kanilang agriculture practice sa Taiwan sa paggamit ng inbred seed. Aniya, halos magkaparehas ang Taiwan at Pilipinas kaya hindi malayong pwede ring gamitin ang mga teknolohiyang pang-agrikultura na ginagawa at ginagamit sa Taiwan.

Umaasa naman si Gov. Mamba na magkakaroon pa ng pagkakataon na makapagseminar ang mga magsasaka kasama si Mr. Peng. Umaasa rin ang Gobernador na manggagaling na rin sa Cagayan ang susunod na Manila Economic and Cultural Office (MECO) Chair.

“We know we could learn a lot from Taiwan, one of our closest neighbors. Cagayanos are learning from you and you learn from us. I look forward to more economic ties with you,” ani Gob Mamba.

Kaugnay rito, inihayag naman ni Ambassador Chow sa harapan ng mga magsasaka na sila’y mapalad dahil sa pagkakaroon ng katulad ni Gob. Mamba na isang lider.

“You are fortunate to have such Governor. He has far vision. We are brothers and sisters and we help each other. Taiwan’s good agriculture practice is what we want to share with you and we also learn from you,” pagtatapos ni Ambassador Chow.

Nakasama rin sa pagpupulong ang Unang Ginang ng lalawigan na si Atty. Mabel Villarica-Mamba, Provincial Administrator, Atty. Maria Rosario Mamba-Villaflor, Provincial Agriculturist Pearlita Mabasa, OIC Tourism Officer Jennifer Junio-Baquiran, mga iba’t ibang opisyal ng Lokal na Pamahalaan ng bayan ng Tuao, at mga opisyales ng barangay.