Inaprubahan ng mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan ang Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan at Local Government of Unit (LGU)-Allacapan na magbibigay otorisa kay Governor Manuel Mamba na pirmahan ang pagbibigay ng isang milyong piso para sa pagsasaayos ng Allacapan Sports Complex.

Sa naganap na regular session kahapon, inimbitahan si Dr. Clarita Lunas, Consultant on Education ng PGC kung saan kanyang ipinaliwanag na ang pondo ay gagamitin sa pagpapaganda at pagbili ng ilang equipment na kailanganin sa Complex.

Ayon kay Lunas, bagamat nagamit na ang complex nitong nakaraang Cagayan Provincial Athletic Association (CPAA) nitong unang araw ng Pebrero, marami pa aniyang kailangang isaayos sa lugar.

Sinabi ni Lunas na manggagaling sa Special Education Fund (SEF) ang nasabing halagang tulong ng PGC.

Agad namang inaprubahan ng mga miyembro ng SP ang naturang MOA.

Kaugnay rito, labis ang pasasalamat ni Dr. Lunas sa lahat ng mga miyembro ng SP sa agarang pag-apruba sa naturang kasunduan na aniya’y malaking tulong sa mga atleta at mga guro.

Matatandaang sa pagtatapos ng CPAA 2024, binanggit ni Schools Division Superintendent Reynante Caliguiran na posibleng sa kapareho ring lugar isasagawa ang kahalintulad na aktibidad sa susunod na taon.