Tiniyak ng Provincial Health Office (PHO) ang seguridad ng mga kalahok sa 2024 Girl Scout of the Philippines (GSP) Provincial Camp, 62nd Provincial Senior/Cadet Camp at 53rd Junior Camp na isinasagawa sa Camp Amparito, Bayo, Iguig Cagayan.

Sinimulan ang opening ceremony ng naturang aktibidad kahapon Abril 18, 2024 at ito ay magtatapos naman sa araw ng Linggo, Abril 21, 2024.

Ayon kay Rema Christina Guzman, Administrative Officer ng PHO Cagayan, batay sa datos ay aabot sa higit 3,000 campers na kinabibilangan ng mahigit 2,000 girls scouts at 482 adult liders ang kasalukuyang nasa camping site.

Aniya, upang masiguro ang seguridad ng mga ito, tiniyak ng PHO ang pagkakaroon ng sapat na bilang ng medical team kung saan apat na district hospital ang magsasalitan sa pagtugon sa pangangailangang medikal ng mga mag-aaral. Kinabibilangan ito ng Matilde A. Olibas District Hospital, Aparri Provincial Hospital, Alfonso Ponce Enrile Memorial District Hospital, at Gattaran Emergency Hospital.

Ang Alcala Municipal Hospital ang magsisilbing level 1 referral kung sakaling may mga maitatalang minor incident habang katuwang naman ng PHO ang Cagayan Valley Medical Center (CVMC) para sa pagtugon sa mga major case.

Bukod pa aniya dito ang ginagawang pagbabantay ng mga kawani ng Task Force Lingkod Cagayan-Quick Response Team (TLFC-QRT) na patuloy ring nakatutok sa kondisyon ng mga mag-aaral.

Sinabi pa ni Guzman na naglatag din ng mahigpit na polisiya ang Schools Division Office (SDO) Cagayan kaugnay sa pagkakaroon ng schedule sa mga isasagawang aktibidad lalo na tuwing mainit ang panahon.

Dagdag pa rito, tiniyak ding sapat ang suplay ng tubig na gagamitin ng mga mag-aaral habang sila ay nasa camp site.

Samantala, pinangunahan naman ni School Division Superintendent Reynante Caliguiran ang opening ceremony ng naturang aktibidad kung saan naging kinatawan naman ni Governor Manuel Mamba ang Unang Ginang ng probinsya na si Atty. Mabel Villarica-Mamba at dumalo rin ang mga opisyal at mga kinatawan mula sa GSP Cagayan Chapter.