Nagsagawa ngayong Miyerkules, Marso-13 ng “rescue march” at “Mogadishu walk” ang mga rescuer na kalahok sa 3rd Cagayan Valley Rescue Jamboree sa Nagtipunan, Quirino.

Ayon kay Ruben Telan na isa sa mga kalahok na mula sa lalawigan, 11.8 kilometers ang kanilang nilakad sa rescue march at 2.5km sa Mogadishu walk.

Aniya, alas kwatro kaninang madaling araw ay nagsimula nang mag-ayos ang kanilang team at alas sais ng umaga nang magsimula silang maglakad at natapos ito kaninang 9:30am.

Paliwanag ni Telan, Mogadishu walk ay ang paglalakad ng mga responders habang buhat-buhat ang isang indibidwal na kanilang inilagay sa spine board patungo sa end site.

Layon umano ng aktibidad na ihanda ang mga rescuer sa mga pinakamalalang senaryo ng iba’t ibang sakuna at kalamidad na posibleng magdudulot ng pinsala sa mga imprastraktura, kalsada, tulay, at maging sa linya ng kominikasyon.

Sinabi ni Telan na ang naturang aktibidad ay bilang pagsasanay na rin sa kapabilidad at katatagan ng mga responder sa panahon ng sakuna at kalamidad.

Ang limang araw na rescue Jamboree ay nilahukan ng 14 na kawani ng Task Force Lingkod Cagayan- Quick Response Team (TFLC-QRT) na sinimulan noong araw ng Lunes at matatapos sa araw ng Biyernes.