Hinimok ngayon ng mga opisyal ng Department of Tourism (DOT) Region 02, Department of Environment and Natural Resources (DENR) Region 02 at si Governor Manuel Mamba ang mga Local Government Units (LGUs) sa kanilang partisipasyon para sa Eco-tourism sa Cagayan Valley.

Pahayag ito ng mga opisyal kasabay ng paglulunsad sa kauna-unahang Eco-tourism Environmental Summit sa Cagayan Coliseum ngayong Martes, Nobyembre-21, 2023.

Binigyang diin ng mga opisyal ang mahalagang tungkulin ng mga LGUs lalo na sa pagpapakilala at pagkakaroon ng tourist spot na kailangang kasama sa kanilang development agenda.

“Ito ang dahilan kung bakit noong bago ako dito ay nag-courtesy call ako sa mga Local Chief Executives, kay Gob Mamba at sa iba pang LGUs. Kasi kapag hindi kasama ang turismo sa development agenda ng mga LGUs, p*tay tayo diyan,” sambit ni DOT RD Miano.

Sinabi naman ni RD Bambalan na dapat kasama ang partisipasyon ng lahat sa usapin ng turismo. Aniya, sa ilalim ng “eco-tourism” kasama rito ang mga natural resources na dapat ay hindi naaabuso. Dagdag pa niya na ang turismo ay hindi pang isa o dalawang taon lamang kung kaya dapat aniyang alagaan ito. Inihalimbawa ng Direktor ang ginawang show cause order sa mga nagtayo ng istruktura sa Nangaramoan Beach Resort sa Sta. Ana, Cagayan kung saan ay mayroong umanong paglabag sa batas.

Samantala, nabatid naman mula kay Gob. Mamba na ang Provincial Govenment of Cagayan (PGC) ang nangunguna sa pagtataguyod ng mga makabagong proyekto at pamamaraan na angkop sa pagpapausbong ng turismo na kailangang pamarisan ng mga munisipalidad sa Cagayan.

“It should always be green. That is why we set the standards. Nakita niyo naman sa ating mga provincial properties sa ating Kapitolyo sa Sub-Capitol, at Pavillions, ang linis maging sa mga CR and others, that is why we have to be the example,” ani Gov. Mamba.

Binati rin ng Gobernador si RD Bambalan dahil sa mga ginagawa nito katulad na lamang ng paglulunsad ng Eco-tourism Environmental Summit at sa iba pang mga sinisimulang ipinatutupad na programa para sa kalikasan at turismo.