Muling nakiisa ang Provincial Veterinary Office (PVET) ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa programang “Pet Vaccination & Check up” ng SM City Tuguegarao kahapon, Marso 22, 2024 sa Tuguegarao City, Cagayan.

Naserbisyuhan dito ang 27 na mga alagang hayop na mula sa 19 na fur parents ayon kay Dr. Myka Ponce ng PVET. Unang inilunsad ang naturang programa nitong Marso 7, 2024 bilang pakikiisa sa selebrasyon ng Rabies Awareness Month.

Nakasama ni Dr. Ponce si Dr. Wilfredo S. Iquin Jr. at mga veterinarian ng Local Government Unit (LGU) ng Tuguegarao City.

Matatandaang ang PVET ay nagsasagawa rin ng taunang libreng anti rabies vaccination drive kasama ang Animal Bite Treatment Center ng Provincial Government of Cagayan (PGC) sa iba’t ibang bayan sa lalawigan. Ang hakbang na ito ay bilang tugon sa adhikain ni Governor Manuel Mamba na kailangang tuloy-tuloy ang serbisyong pangkalusugan sa bawat Cagayano.