Pinarangalan ngayong unang araw ng Abril sa regular flag raising ceremony ang mga nagwagi sa top 5 Best Women’s Corner ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan.

Pinangunahan ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) sa pamumuno ni PSWDO Helen Donato ang patimpalak sa lahat ng mga opisina ng Kapitolyo ng Cagayan.

Matapos inikot ng mga hurado ang iba’t ibang opisina, napiling Best Women’s Corner ang Vice Governor’s Office/Sangguniang Panlalawigan; 2nd place ang Provincial Health Office, 3rd place ang Provincial Treasurer’s Office, 4th place ang General Services Office, at 5th place ang Cagayan Provincial Information Office na pinarangalan ngayong araw ng Lunes sa flag raising.

Nabigyan ng cash prize ang mga nanalo ng P15,000; P10,000; P7,000; P5,000; at P3,000 ayon sa pagkakasunod.

Layunin ng paglalagay ng women’s corner sa bawat opisina ay upang mabigyan ng kahalagahan ang mga ambag at papel ng kababaihan sa nation-building.

Nakatutok sa temang “Lipunang Patas sa Bagong Pilipinas”, Kakayahan ng Kababaihan, patutunayan!” ang nasabing patimpalak.

Ang mga nagsilbing hurado sa nasabing contest ay sina Atty. Mabel Villarica-Mamba, ang Unang Ginang ng lalawigan; Philippine Information Agency (PIA) Regional Director Angely Lubo Mercado; National Intelligence Coordinating Agency (NICA) RD Flormelinda Olet; at Department of Science and Technology (DOST) Assistant RD Engr. Silvia Lacambra.