Dumalo si Provincial Agriculturist Pearlita P. Mabasa bilang kinatawan ni Cagayan Governor Manuel N. Mamba sa ginanap na Memorandum of Understanding (MOU) signing at inagurasyon ng Contract Farming Program ng National Irrigation Administration (NIA) Cagayan Valley Region kahapon, Marso 22, 2024 sa gymnasium ng Claveria, Cagayan.
Ayon kay Engr. Mabasa, layon ng naturang aktibidad ang pakikiisa at pagtutulungan ng bawat Local Government Units (LGUs) at iba pang ahensya ng gobyerno sa Rehiyon Dos maging ang probinsya ng Apayao.
Hangarin umano ng naturang aktibidad na palakasin ang sektor ng agrikultura upang mapataas ang produksyon ng bigas sa rehiyon, mapahusay ang kabuhayan ng mga magsasaka, at pagpapakilala ng mga makabagong pamamaraan sa pagsasaka para matiyak ang kalidad sa produksyon at seguridad ng pagkain sa mamamayang Pilipino.
Bahagi aniya ng aktibidad ang pamamahagi ng NIA Cagayan Valley Region sa mga opisyal at miyembro ng mga Rice Irrigators Association ng seed assistance, fertilizer assistance, at iba pang pangangailangan sa pagsasaka.
Sinabi pa ni Mabasa na ang Cagayan ay may pinakamaraming benepisyaryo sa programa ng NIA kaya isinagawa ito sa lalawigan.
Kaugnay rito, pinangunahan ni NIA Administrator Engr. Eduardo Eddie Guillen ang aktibidad at nakiisa ang iba’t ibang stakeholders tulad ng Irrigator’s Associations (IAs), National Food Authority (NFA), Department of Agriculture (DA), Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC), Bureau of Soils and Water Management (BSWM), Agricultural Training Institute (ATI), Philippine Rice Research Institute (PhilRice), Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PhilMech), private sector representative, at iba’t ibang lokal na opisyal ng Cagayan.