Nakabantay ngayon ang Provincial Health Office (PHO) sa mga atletang Cagayanong nakasailalaim sa in-house training sa Cagayan Sports Complex, Tuguegarao City upang tiyaking nasa maayos ang kanilang kalusugan sa gitna ng mainit na panahon.

Ayon kay Dr. Nicasio Galano Jr., Chief of Hospital ng Tuao District Hospital na siyang tumatayong medical team leader ng delegasyon ng Cagayan, masusi nilang tinututukan ang kondisyon ng mga atleta upang mailayo sa mga hindi inaasahang sakit na posibleng maidulot ng mainit na panahon.

Nabatid mula kay Dr. Galano na regular ang kanilang ginagawang check-up sa mga atleta, karamihan aniya sa mga iniinda ay muscle cramps at pananakit ng ulo na agad naman nilang natutugunan.

Maliban dito, maigting din ang kanilang pagbibigay-paalala sa mga coach ng mga atleta na huwag hayaang bumili ang mga manlalaro ng mga pagkain sa labas ng training ground upang maiwasan ang food poisoning. Ang PGC ang nagbibigay at naghahanda ng mga pagkain ng mga atleta hanggang sa matapos ang kanilang training.

Sa kabilang banda, mayroon din umanong naka-standby na ambulance upang agad matugunan ang anumang medikal na pangangailangan ng mga atleta.

“Gusto kong sabihin sa mga magulang ng ating mga atleta na naka in-house training ngayon na huwag po kayong mag alala dahil ang PGC, PHO at sa tulong na rin ng mga District Hospital ay tinututukan ang kalagayan ng ating mga atleta para maprepare sila at makamit natin ulit ang kampeonato,” ani Galano.

Matatandaang simula pa lamang ng in-house training ay ibinuhos na ni Cagayan Gov. Manuel Mamba ang kanyang suporta at sinigurong maibibigay ang lahat ng kanilang pangangailangan.

Una ng binigyang diin nito na dapat matutukan ang kanilang kondisyon at ibigay lahat ng kanilang pangangailan upang maging handa sa pagsabak sa araw ng kompetisyon nang maiuwi muli ang kampeyonato.