Sunod-sunod pa rin ang isinasagawang pagsasanay ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa pamamagitan ng Provincial Health Office (PHO) sa mga frontliner sa Cagayan bilang paghahanda sa anumang sakuna o kalamidad.

Ito ay matapos ang matagumpay na isagawang pagsasanay sa Standard First Aid Training (SFAT) at Basic Life Support Training (BLS) sa bayan ng Buguey, Cagayan na dinaluhan ng 36 na kalahok mula sa Rural Health Unit (RHU) at mga miyembro ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO).

Layon ng aktibidad na mabigyan ng sapat na kaalaman ang mga kalahok upang maging handa sa panahon ng sakuna o kalamidad. Maliban dito, ito rin umano ang isa sa mga requirement nila para sa kanilang Disaster Risk Reduction and Management in Health (DRRM-H) institutionalization.

Sa naturang pagsasanay, tinuruan ang mga kalahok ng tamang pamamaraan ng cardio pulmonary resuscitation (CPR), ganoon din ang iba’t ibang uri ng pagbebenda at mga alituntuning sinusunod sa pagbibigay ng paunang lunas.

Ayon kay Robert Umoso Jr. II, Nurse IV, Disaster Risk Reduction and Management-Hospital Manager ng PHO na siyang nanguna sa naturang pagsasanay, napakaimportante na maituro ito sa mga frontliner ng bawat munisipalidad upang magkaroon na agad ng tulong sakali mang magkaroon ng mga emergency sa isang komunidad.

Aniya, hindi na kailangan pang hintayin ang tulong ng ibang rescuers o umasa sa mga hospital dahil sa pamamagitan nito ay mas maagapan pa ang anumang emergency situation.

Matatandaang ito rin ang isa sa mga nais mangyari ni Cagayan Governor Manuel N. Mamba na maging disaster-resilient ang mga Cagayano pagdating sa mga kalamidad.

“Kapag kailangan nila ng mga responder, equipped na sila meron silang responders na magaling magbigay ng paunang-lunas, mag CPR doon sa area of respinsibility nila na hindi na kailangang tumawag pa ng outsider, nearby town, or provincial na mga responder para tugunan yung pangangailangan nila. At ‘yun naman ang pinaka main na gusto ni Gov. na maging resilient sila at yun ang itinuturo ng PHO sa mga munisipalidad,” pahayag ni Umoso.

Samantala, asahan na magkakaroon muli ng ganitong pagsasanay sa mga munisipalidad sa Cagayan sa mga darating na buwan.