Isinagawa ng Provincial Health Office (PHO) ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan ang Basic Life Support-Cardiopulmonary Resuscitation (CPR) Training ng mga empleyado ng Provincial Government of Cagayan (PGC) kasabay ng selebrasyon ng Heart Month sa Commissary building ng Kapitolyo ng Cagayan ngayong Miyerkules, Pebrero 14, 2024.

Ang pagsasanay ay dinaluhan ng mahigit 50 empleyado ng PGC na pinangunahan ni Robert Umoso Jr. II, Nurse IV, Disaster Risk Reduction and Management-Hospital Manager ng PHO ang nasabing aktibidad.

Layon nito na maturuan ang mga empleyado sa life support at CPR na maaari nilang magamit upang makasagip ng buhay lalo na sa panahon ng sakuna.

Nagbahagi naman ng mensahe si Dr. Rebecca Battung, Provincial Health Officer ng PGC, aniya, mahalagang alam din ng ibang empleyado ng Kapitolyo ng Cagayan na magpanumbalik ng tibok ng puso o sumagip ng buhay sa simpleng paraan.

“Ang importante ay alam natin ang basic life support at gumawa ng CPR para maibalik ang tibok ng puso sa maaaring mawalan ng malay na kaopisina o sa paligid natin at lalo na kung sa mga mahal natin sa buhay. Happy valentines at keep your heart beating,” ani Dr. Battung.

Nabigyan naman ng tig-isang first aid kit ang PHO sa bawat departamento ng PGC na dumalo sa training upang may magamit agad sa anumang pagkakataon.

Samantala, naging katuwag ni Umoso sa pagsasanay si Alain Peter M. Tumanguil, Nurse III/Hospital Assistant DRRM-H Manager, at Technical Staff ng PHO.