Pinangunahan ng Provincial Health Office (PHO)- Cagayan ang Basic Life Support (BLS) at Standard First Aid (SFA) training na ginanap sa Mayor’s Office, Municipall Hall, Aparri, Cagayan nitong Abril 15-19, 2024.

Layon pa rin ng naturang aktibidad na mapahusay pa ang kaalaman ng mga frontliner lalo na sa panahon ng pagtugon ng sakuna at kalamidad.

Ang nasabing aktibidad ay dinaluhan ng 25 kalahok na mula sa Municipal Health Office (MHO)-Aparri sa pamamagitan ng Health Emergency Response Team ng PHO.

Personal ding nagtungo si Dr. Rebecca Battung, Acting Provincial Health Officer ng PHO upang saksihan ang nasabing aktibidad.

Itinuro sa mga dumalo ang mga tamang kaalaman sa pagresponde sa panahon ng emergency tulad ng pagbibigay ng first aid, Cardiopulmonary Resuscitation (CPR), at iba.

Iginiit ni Dr. Battung ang kahalagahan ng papel ng mga kalahok sa pagresponde sa panahon ng anumang kalamidad at sakuna. Pinaaalalahanan din nito ang lahat sa “basic protocol” sa pagresponde ng anumang emergency situation at pagsagip ng buhay.

Sa huli, pinasalamatan naman nito ang bawat isa sa patuloy na paglilingkod sa kanilang nasasakupan upang matugunan ang pangangailangan ng kanilang komunidad sa usaping pangkalusugan.