Pinangunahan ng Provincial Health Office (PHO) Provincial Government of Cagayan ang pagsasagawa ng Rural Sanitation Inspectors meeting sa lalawigan na ginanap sa G-View event Center, Caggay Tuguegarao nitong Miyerkules, Marso 20, 2024.
Ang naturang aktibidad ay may temang “Bigyan pansin ang ating environmental health, protektahan ang ating kapaligiran dahil ang kaligtasan ay kaakibat ng kalusugan”.
Ito naman ay nilahukan ng nasa 40 na mga Rural Sanitation Inspector mula sa iba’t ibang bayan sa Cagayan.
Ayon kay Engr. Felizardo Taguiam Jr, Provincial Environmental and Occupational Health Program Coordinator ng PHO, layunin nitong mapag-usapan ang mga ilalatag na hakbang upang protektahan ang kapaligiran at ang kalusugan ng publiko.
Pangunahin aniya sa mga tinututukan ng mga sanitation inspector ay ang pagtiyak sa pagkakaroon maayos na access sa malinis na tubig ng bawat sambahayan sa probinsya.
Kasama rin dito ang pagtiyak sa seguridad ng mga inuming tubig, pagtuturo sa publiko ng mga tamang kaalaman sa pangangasiwa sa kanilang sanitation facilities.
Binigyang diin ni Taguiam na dapat masigurong ligtas ang publiko sa banta ng iba’t ibang mga sakit na maaaring makuha sa maruming kapaligiran at ito ang pangunahing mandato na tinututukan ng mga sanitary inspector,
Samantala, nagsilbing resource person sa naturang aktidad sina Engr. Marissa Maningas, Regional Environmental and Operarional Health Program Manager, at Ms. Michelle Rosales, Regional Food and Water Borne Disease Coordinator ng Department of Health Region 2- Center for Health Development (DOH-CHD), kabilang sa mga tinalakay nito ay ang mga Standard Operating Procedures sa pangangasiwa ng kalinisan sa paligid, hakbang sa tamang assessment sa tubig at sanitation hygiene, at iba pa.
Hinihikayat naman ng PHO sa pangunguna ni Dr. Rebecca C. Battung, Acting Provincial Health Officer, ang publiko na panatilihin ang kalinisan sa sarili, kapaligiran, at maging sa tubig na araw-araw na ginagamit at iniinom upang maiwasan ang kontaminasyon at sakit na maaaring maidulot nito.