Patuloy ang ginagawang pagtulong ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa mga estudyanteng kapos-palad sa pamamagitan ng Special Program for the Employment of Students (SPES).
Layunin ng SPES program ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan na mabigyan ng oportunidad na magtrabaho ang mga estudyante ngayong bakasyon upang makatulong sa kanilang mga magulang gayon din ang hangarin ni Gob. Manuel Mamba na makatulong sa mga kapos-palad na mag-aaral sa lalawigan.
Aasahang makatatanggap ang bawat SPES beneficiary ng kabuuang P11,818.20 sa loob ng 20 araw nilang pagtratrabaho.
Sa nasabing halaga, 60 porsiyento rito ay galing sa Provincial Government of Cagayan, samantalang 40 porsiyento ang mula sa Department of Labor and Employment (DOLE) bilang counterpart.
Nabatid kay Mylene Peralta, PESO Manager-PGC Cagayan, nakatakdang ideploy ang 45 SPES beneficiaries na sumailalim sa oryentasyon ngayong Martes sa magkakaibang opisina at departamento ng Kapitolyo ng Cagayan, bukas, Hunyo 5 na magtatagal hanggang Hulyo 2.
Ngayong taon, may nakapasok na Grade 10 student o 15 taong gulang na sakop pa rin sa age requirement para sa naturang programa, dagdag pa ni Peralta.