Patuloy pa ring isinasagawa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan ang distribusyon ng mga financial assistance sa iba’t ibang sektor partikular ang mga Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4 P’s member, Person with Disabilities (PWDs), Solo parents, maging ang honoraria ng mga Day Care Workers (DCW) sa lalawigan ng Cagayan.

Nagtungo ang grupo ng Oplan Tulong sa Barangay sa mga bayan ng Lallo at Camalaniugan at doon isinagawa ang distribusyon nitong Huwebes, Mayo 9, 2024.

Kasamang nagtungo sa mga bayan ng Lallo at Camalaniugan sina Board Member Atty.Romeo Garcia at Retired General Edgar ‘Manong Egay’ Aglipay upang bigyang inspirasyon ang mga sektor na nabigyan ng mga ayuda mula sa PGC.

Naging kaagapay ng Provincial Social Welfare and Development (PSWDO) ang Provincial Treasurers Office(PTO) at Provincial Office for People Empowerment(POPE) sa nasabing distribusyon.

Sa datos, nabatid kay Resty Vargas, Social Welfare Officer 3 at Focal Person ng PWDs, Solo Parent at Senior Citizen ng PSWDO, umabot sa tatlong milyong piso ang kabuuang halaga ng naibigay ngayong araw sa dalawang bayan.

Halos P1.5 M ang naipamahagi sa bayan ng Camalaniugan para sa 401 na 4Ps members na nakatanggap, 106 na PWDs, 48 na Solo parents, at 28 na DCW. Sa bayan ng Lallo ay mahigit P1.5M ang naipamahagi sa 591 na 4Ps, 91 na PWDs, 48 na Solo parents, at 28 na DCW.

Ang programang Oplan Tulong Barangay ay patuloy na isinasagawa sa iba’t ibang sektor sa buong lalawigan bilang bahagi ng programa ni Gob. Manuel Mamba na No Barangay Left Behind o NBLB.