Ipinasakamay ng Provincial Government of Cagayan (PGC) sa hanay ng 17th Infantry Batallion ng Philippine Army (PA) ang 120 cavan ng bigas ngayong Miyerkules, Abril 24, 2024.

Pinangunahan ni Provincial Administrator Ma. Rosario Mamba-Villaflor bilang kinatawan ni Governor Manuel Mamba ang pagbibigay ng tulong sa hanay ng 17IB, habang personal naman na tinanggap ito ni 2LT Monica Hisoler na siyang kinatawan ng kasundaluhan.

Kaugnay rito, ang mga bigas na tinanggap ng hanay ng kasundaluhan ay mapupunta sa mga Citizen Armed Force Geographical Unit (CAFGU) bilang suporta o tulong ng kanilang unit at ng PGC sa kanila habang ginagampanan ang kanilang tungkuling mapanatili ang kapayapaan sa komunidad laban sa mga makakaliwang grupo.

Nagpahayag naman ng pasasalamat si 2LT Hisoler sa PGC sa pamumuno ni Gov. Mamba dahil malaking tulong aniya ito sa mga miyembro ng CAFGU na nakabase sa iba’t ibang lugar sa probinsya.

Samantala, ang naturang hakbang ay inisyatibo ni Gov. Mamba bilang bahagi ng kanyang mandato na masuportahan ang kasundaluhan sa paglaban na mawakasan ang banta ng insurhensiya sa Cagayan.

Matatandaang si Governor Manuel Mamba ang tumatayong chairman ng Provincial Peace and Order Council (PPOC) sa Cagayan kung saan mahigpit ang direktiba nito na isulong ang usaping pangkapayapaan at wakasan ang kriminalidad sa probinsya kalakip ng pangako na pagbibigay ng suporta sa lahat ng programa at aktibidad ng iba’t ibang hanay ng security forces sa lalawigan.