Muling umarangkada ang Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa pamamahagi ng educational assistance para sa mga Purok Agkaykaysa Scholars sa Cagayan State University (CSU)-Gonzaga Campus, ngayong Biyernes, Marso 22, 2024.

Umabot sa 659 na estudyante ang tumanggap ng tig- ₱3,500 para sa unang semestre ng SY 2023-2024.

Ang mga tumanggap ay mula sa mga bayan ng Sta. Ana, Sta. Teresita, at Gonzaga kung saan pinakamarami sa mga estudyante ay mula sa Gonzaga na mayroong 320, Sta. Ana (192) at Teresita (147).

Ang pagbibigay ng educational assistance ay nakapaloob sa No Barangay Left Behind (NBLB) program sa ilalim ng administrasyon ni Cagayan Governor Manuel N. Mamba na nag-umpisa noong umupong Gobernador taong 2016.

Sa naging mensahe ni Vicente Binasoy, Consultant, sinabi nito na kaakibat ng pagiging isang scholar at ang pagtanggap ng tulong pinansiyal mula sa Pamahalaang Panlalawigan ay ang pagpili ng tamang lider at pagsuporta sa Krusada Kontra Korapsyon (KKK).

Kaugnay rito, aasahan namang magpapatuloy pa rin ang naturang distribusyon sa mga susunod na araw, magtutungo naman ang Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa CSU-Aparri Campus upang ihatid ang tulong pinasyal sa mga bayan ng Aparri, Camalaniugan at Buguey sa araw ng Martes, Marso 26.

Samantala, kasama rin nasabing aktibidad sina Gonzaga Mayor Pentacostes, Provincial Treasurer Mila Mallonga, at mga empleyado ng Provincial Office for People Empowerment (POPE).