Activated na ang Incident Management Team (IMT) ng Provincial Government of Cagayan (PGC) kasabay ng isinasagawang “Lab for All” Cagayan Caravan ngayong Martes sa Cagayan Sports Coliseum, Tuguegarao City.

Ito ay para matiyak ang kaayusan at kaligtasan ng bawat isa na dadalo sa naturang aktibidad.

Ayon sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), kaninang alas sais ng umaga ay nakamonitor na ang IMT sa lugar na sila ring nagbibigay gabay sa mga dumarating na indibiduwal.

Katuwang ng PDRRMO at Task Force Lingkod Cagayan-Quick Response team (TFLC-QRT) ang lahat ng uniformed personnel na nakamonitor sa lugar hanggang sa matapos ang naturang aktibidad.

Matatandaan na sa naging unang impormasyon mula sa Provincial Health Office (PHO) na target ng aktibidad na mabigyan ng libreng serbisyo ang nasa 1,500 na indibiduwal.

Ang “Lab for All” program na isinusulong ni First Lady Marie Louise “Liza” Araneta Marcos ay nakapaloob ang mga serbisyong medikal, legal, at iba pang makatutulong sa komunidad.