Mainit ang naging pagsalubong ng mga opisyal at kawani ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan at ng Schools Division Office (SDO) Cagayan sa mga atletang sumabak sa katatapos na Cagayan Valley Regional Atletic Association (CAVRAA) Meet 2024 ngayong Miyerkules Mayo-01.

Maalalang kasabay ng pagtatapos ng palaro kahapon ay opisyal na inanunsyo at hinirang ang Cagayan delegation bilang 2nd runner up.

Sa pagsalubong sa mga atleta ay naging kinatawan ni Gov. Manuel Mamba si Francisco Mamba III kung saan ipinaabot nito ang mainit na pagbati ng ama ng lalawigan sa mga umuwing manlalaro.

Aniya, ipinagmamalaki ng Gobernador ang dedikasyon at disiplina ng mga atletang Cagayano sa pakikipagtunggali sa iba’t ibang delegasyon taglay ang diwa ng “sportsmanship”.

Bagamat hindi aniya nila nagawang masungkit ang pagiging kampeonato sa ika-11 pagkakataon ay masaya pa rin ang ama ng lalawigan na makita kung paano nila dinipensahan at ipinaglaban ang kanilang delegasyon sa larangan ng isport.

Kaugnay rito, binigyang diin ni Mamba III na dapat ding baunin ang mga aral na natutunan ng mga manlalaro at ituring ito bilang hamon upang mas mapagbuti pa ang kanilang pakikipagtunggali sa susunod na taon upang mabawi muli ang titulo ng pagiging kampeonato ng probinsya.

“Ang gusto ni Governor sana gamitin natin ito bilang inspirasyon. Huwag tayong magpadown. Gamitin natin ito bilang isang challenge sa anomang sitwasyon, whatever happens in our life, mayroon dapat laging lesson tayong makukuha at ngayon tayo ay magplano, mas lalo na sa inyong mga atleta. Baka kasi dahil lagi tayong number 1 baka naging medyo kampanye na tayo.”

“Let’s learn na even our victories, even during good times, huwag tayong mag relax. Let’s all work to improve ourselves. Mas lalo na ngayong hindi natin nakuha ang number one, dapat mas lalong magpursigi tayo para bawiin natin sa susunod,” pahayag ni Mamba III.

Hinikayat pa niya ang mga manlalaro na pagbutihin pa ang kanilang pagsasanay, magpursigi at huwag sumuko upang matiyak ang tagumpay na hinahangad para sa karangalan ng bawat Cagayano at ng lalawigan.

“Walang matatalo kapag natututo tayo. Matatalo lang tayo ‘pag tayo ay susuko,” dagdag pa ni Mamba III.

Saludo naman si Dr. Reynante Caligurian, Schools Division Superintendent ng SDO Cagayan sa ipinamalas na husay at galing ng mga atletang Cagayano.

Ipinunto niya na hindi maituturing na pagkatalo ang pagiging 2nd runner up bagkus ay dapat itong ipagmalaki dahil ito ang simbulo ng dedikasyon, pagsisikap, at pagpupursigi ng mga atleta upang ipaglaban ang kinabibilangang delegasyon.

Kasabay ng welcome program sa pagbabalik ng mga atleta ay ipinamahagi naman ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan ang tig-P2,000 na allowance para sa mga manlalaro.

Samantala, inanunsyo naman ni Consultant on Education Clarita Lunas na aabot sa higit 100 na mga atletang Cagayano ang mapapasama sa mga manlalarong kakatawan sa Rehiyon dos na sasabak sa Palarong Pambansa sa Cebu City ngayong taon.