Iba’t ibang parangal ang tinanggap ng Provincial Government of Cagayan at ng Provincial Health Office (PHO) sa ginanap na “Gawad Kalusugan Award 2023” ng Cagayan Valley Center for Health Development-Department of Health (CVCHD-DOH) ngayong Huwebes, Nobyembre-23.

Iginawad sa PGC ang Universal Health Care Achiever Award, Certificate of Appreciation, at tseke na nagkakahalaga ng P450,000.

Habang ang Provincial Health Office (PHO)-Cagayan ay tumanggap ng Plaque of Appreciation for Covid-19 Vaccination Program at Certificate of Recognition.

Personal na tinanggap ni Atty. Maria Rosario Mamba-Villaflor, Provincial Administrator ng Provincial Government of Cagayan (PGC) bilang kinatawan ni Governor Manuel Mamba at Dr. Rebecca Battung, OIC Provincial Health Officer ang mga nasabing parangal mula sa CVCHD-DOH.

Ang “Gawad Kalusugan Award 2023” ay pinangunahan ni Regional Director Amelita M. Pangilinan ng DOH Region 2 na may temang “Sa Healthy Pilipinas, Bawat Buhay ay Mahalaga: Achieving Health and and Wellness.”

Layunin ng aktibidad na kilalanin ang mga Local Government Unit (LGU) at health facilities sa rehiyon dos sa kanilang dedikasyon sa serbisyong pangkalusugan.

Ayon sa CVCHD-DOH, iginawad ang nasabing parangal sa PGC at PHO-Cagayan dahil sa pagbibigay ng dekalidad at ligtas na serbisyo sa kalusugan sa bawat Cagayano.

Maliban dito, maayos din umanong naibibigay ang serbisyo sa mamamayan sa ilalim ng Universal Health Care (UHC) sa pamamagitan ng PHO.