Umabot sa 500 benepisyaryo ng Tulong Panghanapbuhay para sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) program ang nakatanggap na ngayon ng kanilang bayad.

Personal na dumalo ang Unang Ginang ng Cagayan Atty. Mabel Villarica-Mamba ngayong araw ng Martes, ika-16 ng Abril, 2024 sa ginanap na TUPAD pay-out sa mga bayan ng Baggao at Alcala.

Sa mensahe ni Atty. Villarica-Mamba, kanyang binigyang pansin ang naging accomplishments ng mga benepisyaryo na kakaiba sa nakagawiang paglilinis lamang gaya ng pagtatayo ng mga kubo na gawa sa kawayan bilang waiting shed, pagpapaganda sa kapaligiran sa pamamagitan ng kawayan at iba pa. Lubos na ikinatuwa naman nito ang inobasyong inimplimenta para sa programang TUPAD ngayong taon.

Nabatid kay Mylene Peralta, Public Employment Service Office (PESO)-PGC Manager, nakatanggap ng kabuuang P4,350 ang bawat benepisyaryo sa 10 araw na kanilang pinagtrabaho.

Aniya, ang TUPAD program para sa mga bayan ng Baggao, Alcala, Amulung, at Iguig sa lalawigan ay binabaan ng P5M mula kay Senator Robin Padilla, na siya ngayong ipinamamahagi ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan.

Ang mga naging benepisyaryo sa nasabing programa ay mga self-employed worker na apektado ng mga krisis at kalamidad, mga nawalan o natanggal sa trabaho dito sa Pilipinas at abroad, mga underemployed na mga manggagawa, at iba pa.

Katuwang ng PESO ang POPE at DOLE sa TUPAD pay out ngayong araw. Nakatakda namang isasagawa ang isa pang TUPAD pay out sa mga bayan ng Iguig at Amulung sa araw ng Sabado, ika-20 ng Abril.