Matagumpay ang isinagawang “Passirimmu: Creative Minds Assembly” ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan at ng Department of Trade and Industry (DTI) Cagayan na ginanap sa Cagayan Museum and Historical Research Center, Tuguegarao City ngayong araw, Marso 24, 2024.

Ito ang kauna-unahang creative industries formal assembly kung saan tinipon ang iba’t ibang manlilikhang Cagayano mula sa iba’t ibang sektor upang sila ay ma-profile, ma-organisa, at maipakilala pa lalo ang kanilang mga sining at gawa.

Nagsimula ang aktibidad sa isang programa sa umaga na binuksan nina Henry Conel, Jr., ang Provincial Director ng DTI Cagayan; Jenifer Junio-Baquiran, OIC ng Cagayan Tourism Office; at Kevin Baclig, Curator ng Cagayan Museum.

Nagpasalamat naman si Jenifer Junio-Baquiran sa partnership sa DTI at inihayag na ito ang simula lamang ng mas marami pang programa kasama sila para sa creative industries.

Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni PD Conel ang kahalagahan ng pagtitipon na ganito. Aniya, ang DTI ay patuloy na magbibigay ng suporta at patuloy na iaangat ang creative industries sa lalawigan.

Ayon naman kay Baclig, isa sa mga patuloy na programa ng ama ng lalawigan na si Governor Manuel Mamba ang pagsusulong at pagtataguyod sa sining at talento ng mga Cagayano.

Kaya naman, aniya, walang patid ang suporta ng Gobernador sa mga aktibidad tulad nito dahil sa malaki ang maitutulong nito upang mas makilala pa ang mga manlilikhang Cagayano at magsilbi rin silang katuwang sa pag-unlad ng lalawigan.

Iba’t ibang programa rin ang naisulong para sa kapakanan ng mga Cagayano artist at iba pang creators tulad na lamang ang mga nakalinyang aktibidad sa Cagayan Museum gaya ng art exhibits at ang nagdaang art market noong Pebrero 25, 2024.

Ani Baclig, nagagalak siya na nasundan agad ang unang Art Market at Busking sa Cagayan Museum.

Una nang naisagawa ito noong nakaraang buwan bilang bahagi ng pagdiriwang ng National Arts Month.

Samantala, nagkaroon naman ng mga session pagkatapos ng opening program.

Kasama rito ang presentasyon sa PGC Programs for the Creative Industry, Kapatid Mentor ME Program ng DTI, Intellectual Property Rights, at presentasyon sa creative industries sa Cagayan.

Binuksan naman sa hapon ang Art Market at Busking sa Museo, kung saan tampok ang mga likha at talento ng mga Cagayano artist at mga musikero.

Dinumog ito ng publiko at sinuportahan ang mga manlilikha sa pamamagitan ng pagtangkilik sa mga produkto at talento na dala ng mga ito.

Kabilang sa mga industries ay mga artist, musicians, at local entrepreneurs.

Katuwang naman ng DTI Cagayan ang Cagayan Tourism Office at Cagayan Museum sa pagsasagawa ng kauna-unahang creative industries formal assembly sa lalawigan.