Nananawagan ngayon ang mga eksperto sa Department of Health (DOH) na isagawa sa lalong madaling panahon ang pamimigay ng libreng flu vaccines para sa mga Senior Citizens upang maprotektahan ang mga ito mula sa posibleng pagdami ng kaso ng respiratory diseases.

Ito ang pahayag ni Dr. Rontgene Solante, infectious disease expert and lead convener of the Raising Awareness Influenza to Support Elderlies (RAISE) Coalition noong Sabado, April 13, 2024.

Batay kasi sa datos ng DOH, tumaas ng 50% ang mga kaso ng influenza-like illness (ILI) mula 131,199 noong 2022 hanggang 198,094 noong 2023, ngunit bumaba naman ang kaso ng mga namatay na pasyente ng ILI mula 497 hanggang 277.

Kaugnay rito, kailangan umanong pabilisin ang pamimigay ng libreng flu shots upang maiwasan ang komplikasyon sa mga sakit na nararanasan ng mga matatanda gaya ng pneumonia.

“The DOH must act now and expedite the release of flu vaccines to the public before the peak incidence to safeguard the elderly from severe complications like pneumonia,” saad nito.

Dagdag pa ni Solante kasama sa Expanded Senior Citizens Act of 2010 ang pamamahagi ng DOH ng libreng bakuna para sa influenza at pneumococcal disease para sa mga senior citizen.

Bukod pa rito, hinimok din ni Dr. Lulu Bravo, vaccine expert and Raise Coalition coconvene, ang ahensya na palawakin ang pamamahagi ng bakuna para sa mga senior citizen anuman ang kanilang estado sa buhay.

“Many elderly depend solely on government-provided free vaccines as their primary protection against the flu,” ani Bravo.

Giit ni Bravo, ang pagbabakuna sa mga matatanda ay isang proactive movement para maibsan ang paglobo ng kaso ng pertussis at flu, gaya ng ginawa nilang pagbabakuna para sa Covid-19 noong pandemya.

Samantala, pinaalalahanan naman ng mga eksperto ang mga senior citizen na aktibong makilahok at magtanong sa malalapit na heath center tungkol sa pagkakaloob ng libreng bakuna laban sa trangkaso.