Kasado na ngayon ang isasagawang aktibidad ng “I love Cagayan River Movement” bilang selebrasyon ng ikatlong taon sa ika-23 ng Pebrero sa bayan ng Iguig, Cagayan.

Sa isang panayam sa programang Pabaruen ti Cagayan program, nabatid kay Atty. Leonard M. Beltran, OIC-PNREO na nakatakda nang isasagawa ang pagtatanim ng mga iba’t ibang uri ng kawayan sa tabing ilog sa kahabaan ng bayan ng Iguig. Partikular na tinukoy niya dito ang mga barangay ng Sta. Teresa, Atulu, Gammad, at Malabbac.

Sinabi ni Beltran na aabot sa 4.4 kilometro ang tatamnan ng mga bamboo propagules na mahigit 3,000 at magkakaibang uri ng kawayan ang itatanim rito.

Idinagdag pa niya na nais tutukan ngayon ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa pamamagitan ni Gobernador Manuel Mamba na tamnan ang mga gilid ng ilog Cagayan sa layuning maibsan ang epekto ng pagbaha at pagguho ng lupa sa pampang.

Magugunitang inilunsad ang programang ito noong taong 2021 kung saan mga forest trees at mga kawayan ang naitanim sa iba’t ibang mga lugar gaya ng Gattaran at Tuao bilang mga paunang mga bayan.

Ngayon, inihayag pa ni Beltran na natukoy na unahin ang bahagi ng Iguig at isusunod dito ang ibang bayan gaya ng Tuao at Piat. Magiging katuwang ng Provincial Natural Resources and Environment Office (PNREO) ang mga empleyado ng Kapitolyo ng Cagayan, Government Agencies, Non-government organizations, civic organization, at iba pang nagnanais na makilahok magtanim sa araw ng Biyernes.

Noong nakaraang linggo ay naihanda na ng mga PNREO staff ang mga lugar na pagtataniman ng mga bamboo propagules at nakipag-ugnayan na rin ang mga ito sa municipal at barangay local government units at sa mga residente roon upang mapangalagaan ang mga naitanim para sa susunod na salinlahi, ayon pa kay Beltran.

Nakatakdang magkakaroon muna ng maikling programa bago isasagawa ang pagtatanim sa apat na barangay sa bayan ng Iguig.