Opisyal ng binuksan ang 2024 Regional Schools Press Conference (RSPC) sa People’s Gymnasium, Tuguegarao City, ngayong Huwebes, Mayo 2, 2024.

Siyam na division ang magtatagisan ng galing sa mga individual at group competition para sa RSPC na kinabibilangan ng Division ng Tuguegarao City at Cities of Ilagan, Cauayan, at Santiago; kasama rin ang Cagayan, Isabela, Quirino, Nueva Vizcaya, at Batanes.

Aabot sa humigit-kumulang 2,000 campus journalist at school paper adviser ng Region 2 ang nagtipun-tipon para sa pagbubukas ng nasabing aktibidad na may temang “Charting Truth: Journalism as a Catalyst for Positive Change in the Media Landscape of 2024.”

Sa mensahe ni Tuguegarao City Mayor Maila Ting-Que, binigyang diin nito ang kahalagahan ng responsableng pamamahayag at sa pagbuhos aniya ng kaalaman at paglaki ng bilang ng mga tagapagbalita sa bansa ay marapat lamang na labanan din ang pagkalat ng “fake news”.

Saad ng alkalde, malaki ang papel na ginagampanan ng mga mamamahayag sa pagbibigay ng tamang mga impormasyon sa publiko kaya bilang mga “aspiring journalist” ay hinikayat niya ang mga kabataang kalahok sa naturang aktibidad na isapuso ang tunay na diwa ng RSPC na akma sa mandatong makapagbigay ng patas, makatotohanan, at napapanahong mga balita at kaganapan sa lipunan.

“Sa panahon ngayon ay literal na abot-kamay na natin ang mga impormasyon at balita patungkol sa mahahalagang isyu sa ating lipunan. Sa pagbuhos ng kaalaman at paglaki ng bilang ng mga tagapagbalita, it is right and just that we should know how to combat and verify fake news and to learn the truth and the facts. Your roles my dear students in journalist and as journalist in the making is very crucial to the kind of society that we will have in the future,” pahayag ng alkalde.

Hinikayat din nito ang mga kalahok na panatilihin ang magandang pagkakaibigan habang sila ay nasa kompetisyon dahil hindi lamang dapat sa parangal o medalya masusukat ang pagiging panalo kun’di ang aral na makukuha sa naturang aktibidad.

Sa pamamagitan din aniya nito ay mas makabubuo pa ang mga kalahok ng magandang samahan na magiging pundasyon sa matatag na pagsasama nila sa pakikipagtunggali hanggang sa national competition.

“At your age we want you to have necessary abilities and skills to become the best and the finest in the field of journalism. Ating pagtibayin ang ating kaalaman upang ibandera ang isang tapat at may integridad na malayang mamamahayag sa makabagong panahon,” pahayag ni Mayor Ting-Que.

Dumalo sa nasabing aktibidad si Provincial Agriculturist Pearl Mabasa bilang kinatawan ni Governor Manuel Mamba, Dr. Reynante Caliguiran, Schools Division Superintendent ng SDO Cagayan, at mga opisyal at kinatawan ng iba’t ibang rehiyon.

Samantala, ang 2024 RSPC ay magtatagal sa loob ng tatlong araw kung saan gaganapin ang Awarding Ceremony sa araw ng Sabado, Mayo 04, 2024.