Namamahagi ng libreng iba’t ibang punlang gulay ang Office of the Provincial Agriculturist (OPA) na pinamumunuan ni Engr. Perlita P. Mabasa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa mga bumibisita sa Cagayan Farm School and Agri-tourism Center sa Anquiray, Amulung.

Layunin ng programang ito ng OPA na mabigyan ang mga bumibisita ng sariling mga pananim na maaaring itanim sa kanilang mga bakuran upang may mapagkunan sila ng makakain.

Nagtungo sa Farm School kahapon at nabigyan ng punlang gulay ang ilang tauhan ng PNP, mga guro ng Pacac Grande at Baculud, at mga opisyal ng barangay Estefania, Amulung, Cagayan.

Kabilang sa mga libreng punla ng gulay na ibibinibigay ay “pakbet variety” tulad ng talong, kamatis, sili, ampalaya, sitaw, kalabasa, at okra.

Samantala, ang hakbang na ito ay bahagi pa rin sa seedlings dispersal ng programa ni Governor Manuel Mamba na MagSAKAbataan para sa Cagayan at Kinabukasan.

Sa ngayon, tuluy-tuloy pa rin ang isinasagawang propagation ng iba’t ibang vegetables seedlings sa Farm School upang mas marami pang mga bisita ang mabigyan ng punlang gulay.