Sa pamamagitan ng iba’t ibang Facebook posts iniabot ng mga residente mula sa bayan ng Pamplona ang kanilang taos pusong pasasalamat sa programang inumpisahan ni Gob. Manuel Mamba — ang “No Barangay Left Behind” (NBLB) Program na nagsisilbi ngayong tulay sa progreso ng kani-kanilang mga barangay.

Sa ilalim ng hard project component ng NBLB Program ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan, nagkaroon ng pagkakataon ang mga barangay sa bayan ng Pamplona na maisaayos ang kanilang mga kakalsadahan gaya ng barangay roads, farm-to-market roads, maging ang kanilang street lights, water drainage system, at iba pa.

Binuo ni Gob. Mamba ang programang NBLB para palakasin pa ang partisipasyon ng barangay sa pangakalahatang progreso ng probinsya at magbigay oportunidad sa mga ito na tugunan ang tamang pangangailangan ng kanilang mga nasasakupan. Kada taon, nagbababa ang kapitolyo ng P500,000 sa 820 barangay na tutugon sa mga pangangailangan nito pagdating sa mga proyektong pang-imprastruktura.

Sa Facebook post nina Narding Supatan ng barangay Curva, Nestor Tabao ng Barangay Casitan, Pablo Jadraque ng Barangay Abbangkeruan, Antoline Ilac at Brgy. Captain Anita Sampaga ng Barangay Masi, ibinahagi ng mga ito ang mga litrato ng re-gravelling at pagkokongkreto ng mga kakalsadahan sa kanilang lugar ngayong taon.

Inihayag din ng mga residente ang pasasalamat nila kina SB Member Felix Zimara ng bayan ng Pamplona at BM Alfonso Llopis ng 2nd district ng lalawigan sa pagsisilbi ring tulay para mabilisang maipaabot sa kanilang bayan ang mga tulong mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan.

Simula nang maupo si Gob. Mamba bilang ama ng lalawigan taong 2016, binitbit nito ang panata na walang maiiwang bayan, lungsod, maging mga barangay sa pag-usad at pagbabago ng Cagayan