Sinimulan na ngayong Martes, Abril 2, 2024 ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa pangunguna ng Cagayan Provincial Learning and Resource Center (CPLRC) ang Mandarin Language Training para sa mga guro mula sa iba’t ibang paaralan sa Cagayan.

Ang mga kalahok sa pagsasanay ay mula sa Lyceum of Tuao, Cagayan National High School, University of Saint Louis Tuguegarao, Kebing School, Medical Colleges of Northern Philippines, International School of Asia and the Pacific, at kasama rin ang ilang miyembro ng Filipino-Chinese Chamber of Commerce of Tuguegarao Incorporated. Ang nagsasanay sa mga ito ay si Ding Feng mula sa Confucius Institute.

Layon ng pagsasanay na ito na mapalawak ang kaalaman ng mga guro sa Mandarin Language, at maging sa kultura at tradisyon ng bansang China.

Ayon kay Michael Pinto, Provincial Librarian, inaasahang sa pamamagitan ng mga pagsasanay sa Mandarin Language ay mas lalong mapapalawak pa ang Mandarin education para sa mga Cagayano.

Matatandaang nagsimula noong nakaraang taon ang pagbibigay ng CPLRC ng training sa Mandarin Language. Kamakailan lamang ay nagtapos ang ilang mga empleyado ng Kapitolyo ng Cagayan sa pagsasanay na ito.

Ang Mandarin Language Training para sa mga guro ay magtatagal hanggang Hunyo 28, 2024.