Muling iginiit ni Cagayan Governor Manuel N. Mamba ang kahalagahan ng maigting na kolaborasyon at pagtutulungan sa pagitan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan at ng ibang linyang ahensiya ng pamahalaan upang maibaba ang iba’t ibang programa ng gobyerno para sa publiko.

Ito ay kasunod ng pagsuporta ng Gobernador sa “Lab for All” program na isinusulong ni First Lady Marie Louise “Liza” Araneta Marcos kung saan nakapaloob ang mga serbisyong medikal, legal, at iba pang makatutulong sa komunidad.

Ayon kay Gov. Mamba, taos puso ang kanyang pasasalamat sa ganitong mga aktibidad dahil marami sa mga Cagayano na nasa malalayong lugar ang kinakailangang marating ng serbisyo ng gobyerno.

Bilang bahagi ng mandato ng Gobernador ay tiniyak nito na sa ilalim ng kanyang administrasyon ay makikipag-ugnayan siya sa lahat ng sangay ng pamahalaan upang maibigay ang pangangailangan ng mamamayan sa probinsiya.

“Ang ganda-ganda, we have partnership with our national government in the delivery of services to our people at nagpapakita rin ng concern of our national officials,” ani. Gov. Mamba.

Maalalang unang inilunsad ang “Lab for All” sa bayan ng Allacapan, Gonzaga, at Sanchez Mira kung saan libu-libong mga Cagayano ang natulungan sa mga ibinabang serbisyo.

Inaasahan namang dadating ang First Lady Bukas, Pebrero 27, 2024 upang saksihan ang nakatakdang pagdaraos ng kahalintulad na aktibidad sa Cagayan Coliseum, Sports Complex, Tuguegarao City.