Aabot na sa 2,170 na solar street lights ang naipatayo ng Provincial Engineering Office (PEO) ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa pamumuno ni Governor Manuel Mamba sa mga provincial at street road sa iba’t ibang bayan sa lalawigan.

Ayon kay Engr. Creshilda Myn Belen ng PEO, sa lungsod ng Tuguegarao ang may pinakamaraming naipatayong street lights na aabot sa 990.

Sa unang distrito ng Cagayan, ang provincial road sa Cullit-Naguillian sa bayan ng Camalanuigan at Lal-lo ay nalagyan na ng 23 na solar street lights. Aabot naman sa 30 street lights sa bayan ng Sta. Teresita sa barangay Buyun, Centro West at barangay Masi habang 40 street lights naman ang naipatayo sa bayan ng Sta. Ana partikular sa barangay Centro, Palawig, Parada Bato, at Marede.

Sa ikatlong distrito, ang bayan ng Enrile ay mayroon ng kabuuang 80 solar street lights; 87 sa Amulung; 80 sa Enrile; 65 sa Solana, Tuao na 825 at 30 sa bayan ng Sto. Niño na mula sa ikalawang distrito ng lalawigan.

Ayon pa kay Engr. Belen, aabot sa halagang P57,598,240.05 ang nailaang pondo para sa nasabing proyekto mula sa “No Barangay Left Behind o NBLB” at Local Government Support Fund o LGSF.

Patuloy rin ang paglalagay ng mga solar street lights sa mga provincial roads sa iba pang mga bayan alinsunod sa mandato ni Governor Mamba.

Una nang inihayag ng ama ng lalawigan na ang pinakalayunin ng nasabing hakbang ay upang maging ligtas ang mga motorista at ang mamamayang Cagayano sa kanilang biyahe lalo’t marami aniya sa mga nangyayaring aksidente ay dahil sa madilim na kalsada.