Umabot sa kabuuang 2,522 Purok Agkakaysa Scholars ang muling nakatanggap ng educational assistance mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan.

Isinagawa ang distribusyon sa Cagayan State University (CSU)-Piat Campus ngayong Huwebes, Marso 21, 2024.

Ang mga estudyanteng nakatanggap ng educational assistance ay nagmula sa mga bayan ng Sto Niño, Solana, Rizal, Tuao at, Amulung.

Ang mga Purok Scholar ay nakatanggap ng tig-3500 bawat isa kung saan isa ito sa taunang programa sa ilalim ng No Barangay Left Behind (NBLB) sa administrasyon ni Cagayan Governor Manuel Mamba.

Maikli subalit puno naman ng pasasalamat ang naging mensahe ng isa sa mga purok agkaykaysa scholar na si Joel Bert Batugal, 4rth year college sa University of Cagayan Valley (UCV) na kumukuha ng kursong Bachelor of Arts major in Political Science at mula sa bayan ng Sto Niño. Aniya, bilang isa sa mga scholar ni Gov. Mamba napakalaking tulong umano ito sa kanya lalo pa’t isa siyang produkto ng single parent.

“I do encourage everyone of us, let us not see poverty as hindrance to pursue education. Adu apo ti naayat nga ahensiya ti gobyerno, number 1 apo atuy programa ni Gov. Mamba nga mangtulong kadatayu. I’m proud to say that one agkaykaysa scholar will graduate with flying colors,” pahayag ni Batugal.

Dumating din sa nasabing aktibidad si Francisco “Franco” Mamba III bilang kinatawan ng gobernador. Sa kanyang mensahe pinaalalahan nito ang mga mag-aaral na bigyang halaga ang natatanggap na assistance mula sa gobyerno dahil hindi lahat ay nabibigyan ng pagkakataon na mapabilang sa nasabing programa. Kanya ring sinabi na bilang scholar nararapat lamang na tumulong din sa komunidad.

“Sana kapag tayo’y nakapagtapos na, ‘pag tayo’ y nagtatrabaho na, sana tumulong din sa ating komunidad pagdating ng panahon. I hope we see it as our duty dahil tayo’y binigyan ng tulong ng ating komunidad. Sana lagi rin nating tingnan yung kalagayan ng ating komunidad,” saad ni Mamba.

Kaugnay rito, sa naging mensahe naman ni Consultant Vicente Binasoy, hinikayat nito ang bawat isang agkaykaysa scholars na manindigan sa Krusada Kontra Korapsyon (KKK).

Samantala, dumalo rin sa distribusyon si 3rd District Board Member Rodrigo De Asis, dating Mayor Atty. Carmelo “Black” Villacete, Provincial Treasurer Mila Mallonga, at mga empleyado ng Provincial Office for People Empowerment (POPE).