Isinagawa ng Office of the Provincial Agriculturist (OPA) ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan ang distribusyon ng cash assistance sa 2,106 na mga magsasaka ng mais sa lalawigan nitong araw ng Martes, Abril 30, 2024.

Ayon kay Provincial Agriculturist Pearlita P. Mabasa, ang mga napagkalooban ng tulong ay pawang mga naapektuhan ng mga nagdaang kalamidad tulad ng bagyo at baha sa probinsya.

Nakatanggap ng tig-P1,000 ang mga corn farmer sa bayan ng Sta. Ana, Sta. Teresita, Gonzaga, Buguey, Camalaniugan, Lal-lo, Aparri, Alcala, Gattaran, Amulung, Baggao, Lasam, Abulug, Pamplona, Allacapan, Sto. Ninõ, Piat, Rizal, Tuao, Solana, at Enrile, Cagayan.

Nabatid mula sa OPA na magpapatuloy ang kanilang distribusyon sa mga darating pa na araw ngayong buwan ng Mayo.

Ang naturang pamamahagi ng tulong sa mga corn farmer ay dahil sa adhikain ni Governor Manuel N. Mamba na tuloy-tuloy ang suportang hatid ng Kapitolyo ng Cagayan sa mga magsasakang Cagayano.