Pinangunahan ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) ang pagsasagawa ng Oryentasyon sa mahigit 200 empleyado ng Kapitolyo ng Cagayan kaugnay sa mga umiiral na batas na may kaugnayan sa mga karapatan at kapakanan ng mga bata at kababaihan.

Ang nasabing Oryentasyon ay isinasagawa sa NGN Grand Hotel, PeƱablanca, Cagayan na nagsimula noong ika-17 ng Abril na magtatapos sa ika-26 ng kasalukuyang buwan. Ito ay nilahukan ng iba’t ibang mga empleyado mula sa lahat ng mga District Hospital at mga departamento at opisina sa Kapitolyo ng Cagayan.

Nabatid kay Rosario Mandac, Chief, Social Protection and Technology Division ng PSWDO, layon ng aktibidad na pataasin ang antas ng kamalayan at palawakin pa ang kaalaman ng mga empleyado sa mga pagbabago sa batas tungkol sa proteksiyon ng mga kababaihan sa lipunan.

Kabilang sa mga batas na tinalakay at hinimay-himay sa naturang Oryentasyon ay gaya ng Republic Act (RA)9262 o Anti-Violence Against Women and their Children Act na naglalayong pangalagaan ang mga kababaihan at anak nito laban sa pang-aabuso at karahasan; RA 9208 o Anti-Trafficking in Person as amended by RA 10364 at RA 11930 o Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children (OSAEC), at Anti- Child Sexual Abuse or Exploitation Materials (CSAEM) Act na may layong protektahan ang online na sekswal na pang-aabuso at exploitation.

Masinsinan ding tinalakay ang batas hinggil sa RA 7877 o Anti-Sexual Harassment Act at ang RA 11313 o Safe Spaces Act o Bawal Bastos Law. Ito ay isang batas na nilikha upang mapalawak ang sakop ng RA 7877, kabilang dito ang taong maaring mapanagot at ang lugar kung saan ito ginawa.

Ang mga nagsilbing Resource Speakers ay sina Senior Asst. Regional Prosecutor Carolyn Deray-Ramos, Atty. Marie Grace Divina Marcos- Commission on Human Rights, Prosecution Attorney Maria Liza A.Guzman, Senior Assistant Provincial Prosecutor Atty. Abigail Balisi-Lappay, Atty. Gladys Risenjoy H. Pajarillo- Atty. IV ng Legal Services Division ng Civil Service Commission Region 2 , Atty. Brendan Jansen L. Tangan

Project Development Officer III ng Department of Social Welfare and Development(DSWD) sa limang araw na Oryentasyon.

Ang pagsasagawa ng nasabing Oryentasyon ay bilang bahagi ng commitment ng Provincial Government of Cagayan sa pamumuno ni Gobernador Manuel Mamba na isulong ang mga karapatan at kapakanan ng mga bata at kababaihan.