Ipinagkaloob ng Provincial Government of Cagayan (PGC) sa pamamagitan ng Office of the Provincial Agriculturist (OPA) sa pangunguna ni Provincial Agriculturist, Engr. Pearlita Mabasa ang tig-P45,000 na tulong pinansyal sa limang (5) aktibong 4-H Club sa Cagayan kahapon, Abril 24, 2024.

Kabilang sa mga ito ang Ammubuan 4-H Club, Ballesteros; Sambayanan-Cagayan 4-H Club; San Roque 4-H Club, Enrile; Binhi 4-H Club, Iguig; at Namuccayan 4-H Club, Sto. Niño.
Ang pamamahagi ay isinabay sa pagsisimula ng Regional 4-H Club Summit 2024 kahapon sa Cagayan Farm School and Agri-tourism Center sa Anquiray, Amulung.
Samantala, tinanggap naman ni Engr. Mabasa ang Plaque of Appreciation para sa OPA at Plaque of Recognition para naman kay Governor Manuel N. Mamba ng PGC na mula sa Agricultural Training Institute (ATI) bilang pagkilala sa patuloy na pagsuporta sa mga proyekto ng 4-H Club ng Cagayan.
Ang financial assistance ay nasa ilalim ng MagSAKAbataan Agripreneur Livelihood Assistance Grant ng OPA.