Sa pagbisita ni Ambassador Wallace Minn-Gan Chow, Representative of the Taipei Economic and Cultural Office in the Philippines (TECO) sa Cagayan Museum and Historical Research Center kahapon, Pebrero 19, 2024, nakuha ng kanyang atensiyon ang obra ni Joval Dumlao, isa sa mga Cagayano artist na may painting na naka-display sa “Agos ng Sining II” art exhibit ng Panlalawigang Museo bilang bahagi ng National Arts Month.

Ang oil-on-canvas painting na may dimension na 20×15 inches ay pinamagatang “Maaliwalas,” isang local landscape scenery.

Namangha si Ambassador Wallace sa gawa ng mga local artist, partikular ang kay Dumlao.

Kanyang inikot ang lahat ng naka-display na obra kasama ang kanyang maybahay na Madame Tai Yu Shan Chow, kabilang sina Irene Yao Ling Wang, TECO Secretary; Yuan-Ching Peng, at Manila Economic and Cultural Office (MECO) Vice Chairman Renato L. Ebarle, at Lucy Yap.

Ayon kay Ambassador Wallace, mahuhusay ang gawa ng mga Cagayano artist at gusto niyang mag-uwi sa kanyang bansang Taiwan ng isang souvenir na magpapakita ng husay at talento ng Cagayano, maging ang isang local scenery na magpapaalala sa kanya ng kanyang pagbisita sa lalawigan.

Sa ngalan naman ng local artist na si Dumlao at ng lahat ng mga manlilikhang Cagayano, abot-langit ang pasasalamat ni Kevin Baclig, Museum Curator kay Ambassador Wallace.

Aniya, isang karangalan na tangkilikin, hangaan, at maipakita sa mundo ang likhang Cagayano.

“Ito ang patunay na world-class talaga ang talento ng mga Cagayano,” sambit ni Baclig.

Samantala, una namang umikot sa mga gallery ng Cagayan Museum ang Ambassador kasama ang kanyang maybahay na si Madame Tai Yu Shan Chow, kabilang sina Irene Yao Ling Wang, TECO Secretary; Yuan-Ching Peng, at Manila Economic and Cultural Office (MECO) Vice Chairman Renato L. Ebarle, at Lucy Yap.

Matutunghayan ang “Agos ng Sining II” art exhibit sa 2nd floor ng Cagayan Museum. Makikita rin ang “Apaw” Art Exhibit ni Lucio Taguiam, Jr. sa unang palapag.

Samantala, bilang bahagi pa rin ng Arts Month, magkakaroon naman ng art market sa darating na Pebrero 25, 2024 sa Panlalawigan Museo.