Nakuha ng Pamahalaang Lungsod ng Tuguegarao ang ‘Best Booth’ sa Paddarafunan Trade Fair kasabay ng isinagawang Closing Ceremony nitong Linggo, ika-30 ng Hunyo, 2024 sa Mamba Gymnasium.

Tinanggap ng LGU Tuguegarao ang premyong P100,000 na personal na iginawad ng Unang Ginang Atty. Mabel Villarica-Mamba, Chairperson ng Steering Committee ng 441st Aggao Nac Cagayan at Provincial Agriculturist Engr. Pearlita Mabasa.

Nakuha naman ng LGU Enrile ang ikalawang puwesto na may premyong 75,000, habang nasa ikatlong puwesto ang LGU Ballesteros na nag-uwi ng premyong P50,000.

Kaugnay rito, nakamit naman ng LGU Buguey ang titulong “Top Selling Booth” na mayroong P458,437 total sales. Ang LGU Tuao ang kinilalang “Most Number of Delegates” na may premyong at “Most Number of Visitors” ang LGU Enrile. Ang tatlong LGU ay tumanggap premyong tig-P15,000.

Ginawaran din bilang Most “Maintained Booth”ang LGU Calayan na may premyong P15,000 dahil sila ang pinakamaagang nagbubukas ng booth simula nang buksan ang Paddarafunan Trade Fair nitong Hunyo-22.

Nabatid na ang kabuuang kita mula noong nagsimula ang Paddarafunan Trade Fair noong Hunyo-22 hanggang nitong Hunyo-29 ay umabot sa P2,916,908 kung saan ang P1.5 milyon ay mula sa 73 Micro, Small and Medium Enterprises (MSMEs) habang ang 1.6 milyon naman ay mula sa LGUs.

Ang Paddaraffunan Traid Fair ay inorganisa ng Office of the Provincial Agriculturist (OPA) at Provincial Tourism Office (PTO) kung saan sa mensahe ni Provincial Agriculturist Engr. Pearlita Mabasa, kanyang hinikayat ang bawat isa na patuloy na makibahagi sa mga aktibidad na isinasagawa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan upang maipakita at maibida pa ang mga produktong mula sa kanilang bayan.

“Sana next year madagdagan na ang ating populasyon. Let’s show that our agricultural sector sa ating probinsya ay nagkakaisa,” ani Mabasa.

Pinangako naman ni Cagayan Tourism Officer Jennifer Junio-Baquiran na laging nakaalalay ang Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa pangunguna ni Governor Manuel Mamba sa mga LGU at MSME upang magbigay-oportunidad na magkaroon ng pagkakataong magtinda at ipakilala ang kani-kanilang produkto mula sa kanilang munisipalidad.

Bilang kinatawan ni Governor Manuel Mamba, ipinaabot naman ni Atty. Mabel Villarica-Mamba, Chairperson ng Steering Committee ng 441st Aggao Nac Cagayan ang kanyang pasasalamat sa mga LGU, MSME at sa kauna-unahang kooperatiba na lumahok sa Trade Fair na Cagayan Cacao Agriculture Cooperative.

“We would like to thank the LGUs for supporting our Paddarafunan Trade Fair, aside from supporting Local Businesses on a small medium scale business vent , we really want to showcase each town our products, our culture that we can offer,” pahayag ng Unang Ginang.