Kaliwa’t kanang aktibidad na may kaugnayan sa pagsasaka ang isinasagawa sa Cagayan Farm School and Agri-tourism Center sa Anquiray, Amulung ng Office of the Provincial Agriculturist (OPA) na pinamumunuan ni Pearlita P. Mabasa ngayong buwan ng Nobyembre.

Maliban sa propagation ng iba’t ibang variety ng punlang grapes at dragon fruits at pagtatanim ng pula at puting kamote, inilunsad din sa Farm School ng ilang grupo ang kanilang mga trainig kaugnay sa pagsasaka. Kabilang dito ang Long Season Training sa Vegetable Production ng 35 miyembro ng Rural Improvement Club (RIC) ng Amulung West, Long Season Training sa corn production ng mga magsasaka ng barangay Annabuan, Apolo, at Unag, Amulung, at pre-registration seminar para sa mga peanut cooperative ng Enrile, Cagayan.

Nagtapos rin sa Farm School ang 47 scholars ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Cagayan sa Grains Production NCII nitong nakaraang araw.

Maliban dito, sinagawa rin ngayong buwan sa Farm School ang presentasyon ng resulta ng Climate Smart Mapping sa Cagayan sa pamamagitan ng PhilRice Nueva Ecija.

Nagsagawa rin ng farm tour sa Farm School ang mga taga-Romblon at mga estudyante ng University of Saint Louis Tuguegarao (USLT) upang alamin ang mga makabagong pamamaraan ng pagsasaka ngayon sa lalawigan ng Cagayan.