Isinagawa ang idiom painting creation sa Cagayan Provincial Learning and Resource Center (CPLRC) bilang bahagi ng pagdiriwang sa International Chinese Language Day kamakailan.

Sa pakikipagtulungan ng Confucius Institute at the University of the Philippines Diliman (CIUPD), isinagawa ang kakaibang aktibidad na ito kung saan ito ay sinalihan ng mga mag-aaral mula Cagayan National Junior High School at International School of Asia and the Pacific.

Ito ay pinangunahan ni Ding Feng mula sa Confucius Institute at sa pamamagitan ng paglikha ng idiom paintings, ipinakita ang mga sawikaing Chinese na naghahayag ng makulay na kultura nito.

Ang Chinese idioms ay tinaguriang yaman ng bansang China na may kahulugan at nagpapahayag ng kuwento sa kanilang kultura at kasaysayan.

Mula sa mga gawa ng mga kalahok, napili naman ang ilang mga unique idiom painting creation na kasalukuyang naka-exhibit sa Panlalawigang Aklatan.

Ayong sa CPLRC, mula noong nakaraang taon, nagtayo ang CIUPD ng Chinese teaching sa mga library sa ilang mga unibersidad at aklatan sa probinsiya ng Cagayan bilang bahagi ng pagtataguyod ng Chinese language teaching at cultural exchange activities sa pagitan ng Pilipinas at bansang China.

Ayon pa sa kanila, sa pamamagitan ng mga ganitong aktibidad, nagkakaroon ng mas malawak na pang-unawa at kaalaman ang mga Cagayano sa kultura at kasaysayan ng bansang China.