Abala sa pagsasagawa ng Information and Education Communication (IEC) campaign kaugnay sa rabies awareness at responsible pet ownership ang Provincial Veterinary Office (PVET) sa iba’t ibang paaralan sa lalawigan ngayong buwan ng Setyembre.
Sinabi ni Dr. Myka Ponce, Veterinarian II ng PVET na nakapagsagawa na ng IEC campaign sa 18 elementary schools mula sa mga bayan ng Ballesteros, Lasam, Baggao, Lal-lo, Gattaran, Peñablanca, Piat, Alcala, at Iguig.
Aabot naman sa mahigit dalawang libong estudyante ani Dr. Ponce ang nabigyan ng kaalaman hinggil sa rabies awareness at responsible pet ownership.
“Mga estudyante ang target audience natin sa IEC campaign dahil sila ang madalas na nakakagat ng aso o pusa and to educate them, at sana ma-relay nila ang info sa kanilang tahanan,” saad ni Dr. Ponce.
Ang IEC campaign ng PVET ay bilang bahagi aniya sa selebrasyon ng World Rabies Day sa darating na September 28, 2023 na may temang “Rabies: All for 1 One Health for All.”
Bukod dito, isasagawa rin ng PVET ang naturang aktibidad sa iba pang mga bayan sa probinsya sa mga darating na araw. Isasabay na rin umano ang pagbabakuna sa mga alagang aso at pusa sa Piat, Gattaran, Sto. Niño, Camalaniugan, Iguig, at Allacapan.