Ipinamahagi ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa pamamagitan ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) ang honoraria ng 252 Day Care Workers (DCW) mula sa ikatlong Distrito ng probinsiya ngayong Lunes, ika-6 sa buwan ng Mayo na ginanap sa Commissary sa Kapitolyo.

Pinangunahan ni Provincial Administrator Atty. Maria Rosario Mamba-Villaflor ang pamamahagi ng honoraria kasama si Third District Board Member Rodrigo de Asis sa mga 252 na DCW mula sa mga bayan Solana, Enrile, Tuao, Iguig, Amulung, Penablanca, at lungsod ng Tuguegarao.

Sa naging mensahe ni PA Villaflor, binigyang diin nito ang hindi matatawarang tungkulin ng mga DCW sa pag-aaruga ng mga bata. “It takes a whole village to nurture a child,” pahayag pa niya.

Nabatid kay PSWD Officer Helen Donato, nagkakahalaga ng P882,000 ang pay out sa mga honoraria ng mga DCW ngayong araw. Sakop nito ang buwan ng Enero hanggang Hunyo, 2023 na nagkakahalaga ng P3,500 bawat isa. Nakatakda namang ipamamahagi ang kanilang honoraria para sa buwan ng Hulyo, 2023 hanggang sa March, 2024 sa mga susunod pang mga pagkakataon.