Binuksan kahapon, unang araw ng Mayo, 2024 ang “Homebound” art exhibit ni Filomeno “FM” Monteverde Jr. sa Cagayan Museum and Historical Research Center, Tuguegarao City bilang bahagi ng pagdiriwang ng National Heritage Month.

Pinangunahan ni Niño Kevin Baclig, Museum Curator ang pagbubukas ng art exhibit kung saan kanyang pinasalamatan ang lahat ng dumalo. Kanya ring binigyang-diin ang magandang ugnayan ng mga local artist at ng Cagayan Museum kaya lalong nakikila ang talento at husay ng mga Cagayano.

Si FM Monteverde ay isang Cagayano artist na tubong Aparri at ngayon ay naninirahan sa Metro Manila. Ang kanyang mga likha ay nagpapakita ng kanyang malalim na ugnayan sa lalawigan.

Isa siyang printmaker artist gamit ang mga technique na linocut, woodcut, at etching. Tampok ang 20 na kakaibang print cuts na ginawa sa iba’t ibang paraan ng printmaking kabilang ang relief, intaglio at monotypes sa one-of-a-kind art exhibit sa Museo.

Nakapag-exhibit na rin si Monteverde ng kanyang mga likha sa iba’t ibang mga exhibition sa bansa, ngunit ito ang kanyang kauna-unahang pagpapakita ng kanyang print works sa Cagayan Museum.

Aniya, inspirasyon niya ang Cagayan sa exhibit na ito. “I aim to create a series of engaging prints that portray Cagayan’s landscapes, traditions, and narratives. Each print seeks to evoke a deep emotional connection that resonates with the viewers. Through this exhibition, I invite viewers to contemplate the multifaceted identity and rich tapestry of Cagayan. Here, history, nature, and art intertwine, creating a harmonious blend that embodies the soul of this enchanting province,” ani Monteverde.

Ilan sa mga gawa niyang nasa exhibit ngayon ay mga local scenery sa Cagayan. Nagbigay naman ng mensahe ng pasasalamat si Monteverde sa mga dumalo.

Samantala, bahagi ng programa ni Governor Manuel Mamba ang pagsusulong ng sining ng mga Cagayano. Patuloy ang suporta na binibigay ng ama ng lalawigan sa mga ito sa pangunguna ng Cagayan Museum sa pamamagitan ng pagbibigay espasyo sa pagtatampok ng art pieces ng mga ito, ani Baclig.

Ang “Homebound” ang pangatlong art exhibit na itinanghal ng Panlalawigang Museo mula nitong Enero ng taon at aasahan pa ang maraming exhibits ng mga gawa ng Cagayano artists sa mga darating na buwan.

Dinaluhan naman ng iba pang Cagayano local artist at ibang mga bisita mula sa Cagayano Artist Group, Inc., Cagayan Heritage Conservation Society, National Museum of the Philippines-Cagayan Valley, at ang pamilya at mga kaibigan ni Monteverde ang pagbubukas ng art exhibit. Ito ay magtatagal hanggang Hunyo 12, 2024 at libre ito para sa publiko.