Tiniyak ni Governor Manuel Mamba na magpapatuloy ang Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa pamamahagi ng tulong sa mga barangay sa pamamagitan ng programang “No Barangay Left Behind” (NBLB) kasabay ng isinagawang re-launching ng naturang programa ngayong Huwebes, Abril 18, 2024 sa Cagayan Coliseum, Tuguegarao City.

Ayon kay Gov. Mamba, ang muling paglulunsad ng nasabing programa ay upang iparating sa publiko na hindi matatapos ang NBLB program kahit pa huling termino na niya sa pagiging Gobernador ng lalawigan.

Matatandaang ang NBLB program ay nakapaloob sa Cagayan Development Agenda (CAGANDA) 2025 ni Gov. Mamba kung saan diretsang ibababa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan ang mga pondo sa 820-barangay sa probinsiya. Ito ay may layuning palakasin at paunlarin ang mga barangay lalo’t ang mga opisyal ng barangay ang mismong magdedesisyon kung saan nila gagamitin ang ipinagkaloob na pondo.

Sinimulan ang programang NBLB taong 2016 nang maupo bilang ama ng Cagayan si Gob. Mamba. Mula sa P300,000 na pondo na ibinababa taun-taon sa bawat barangay, ngayon ay ginawa na itong P500,000 kung saan ito ay nahahati sa dalawang component na tinatawag na hard at soft project. Ang hard project ay lalaanan ng pondo para sa pagsasaayos ng iba’t ibang pasilidad ng barangay tulad ng Barangay Hall, pagsasaayos ng mga kalsada, at paglalagay ng mga street light. Ang soft project naman ay ang pondong gagamitin sa honoraria ng mga barangay foot soldier na kinabibilangan ng mga Barangay Nutrition Scholar (BNS), Barangay Health Worker (BHW), Day Care Worker, at Barangay Tanod.

Sa kasaysayan ng lalawigan, tanging si Gov. Mamba lamang ang nakagawa ng ganitong uri ng program. Siya rin ang nag-iisang Gobernador sa Pilipinas na diretsang ibinibigay ang pondo mula sa Pamahalaang Panlalawigan sa mga barangay.

Kaugnay rito, binigyan diin ng Gobernador na kailangan ang pagpili ng responsableng lider upang maibaba ang maayos na serbisyong nararapat sa bawat Cagayano upang maramdaman ang tunay na malasakit ng gobyerno.

“Ammok ti pagkurangan yo isu daytoy apo mangibaba nak iti ponpondo. The funds that I downloaded to you is unprecedented not only in Cagayan but even the entire country. Awan iti Gobernador a nangibaba iti ₱500,000 every year iti barangay. Agsaludsud kayo kadagiti kakadwa yo dita nu adda kastoy, no adda man mangted ti kastuy, gudwaen da pay,” pahayag ng Gobernador.

Samantala, bilang panauhing pandangal, nagpahayag naman ng pagsuporta si Retired General Edgar “Manong Egay” Aglipay sa sinimulang programa ni Gov. Mamba.

Pinuri rin nito ang pagsusumikap ng Gobernador upang maiangat ang estado ng pamumuhay ng bawat Cagayano. Bilang dating pinuno ng pambansang pulisya ay pangarap din umano ito ng matinong gobyerno para sa kanyang kapwa Cagayano upang maiparating ang maayos na serbisyo sa komunidad.

Dumalo rin sa re-launching ang maybahay ni Ret. Gen Aglipay na si Marinette Yan-Aglipay, dating 3rd District Congressman Randy Ting, Tuguegarao City Mayor Maila Ting-Que, Enrile Mayor Miguel B. Decena Jr., 3rd District Board Member Rodrigo De Asis, 1st District Board Member Atty. Romeo Garcia, Ex-Officio Board Member Jirowell Alameda, Unang Ginang Atty. Mabel Villarica-Mamba, consultants, at mga department heads ng PGC. Sinaksihan rin ito ng mga opisyal at kawani ng iba’t ibang barangay sa Cagayan.

Samantala, isinabay rin sa programa ang oryentasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region 02 sa lahat ng mga dumalong opisyal sa barangay. Ipinaliwanag sa mga opisyal ng barangay ang kahalagahan ng paglaban sa iligal na droga at ang masamang epekto nito sa isang indibidwal at sa buong komunidad.

Ayon sa naturang ahensiya, mahalaga ang naturang aktibidad upang mas lalong mapaigting ng bawat barangay ang kanilang Barangay Drug Clearing Program at upang malaban ang pagkalat ng ipinagbabawal na gamot sa komunidad.