Pinabibilisan ngayon ni Governor Manuel Mamba sa lahat ng mga departamento ng Kapitolyo ng Cagayan ang pag-implementa ng mga programa at proyekto sa ilalim ng 2024 budget ng lalawigan.

Sa ginanap na 2nd Management Committee (MAMCOM) Meeting ngayong Martes, Abril 02, 2024 sa Conference Hall, Capitol Main Buidling, Tuguegarao City, sinabi ng Gobernador na nararapat lamang na bilisan ang implementasyon upang magamit ng mga Cagayano.

Ito ay matapos ang presentasyon ni Provincial Budget Officer Raynald Ramirez sa update ng “utilization of fund” o paggamit ng mga departamento ng Kapitolyo ng Cagayan sa kanilang hiniling na pondo para sa operasyon at pagpapatupad ng mga programa at proyekto ng kanilang opisina.

Lumalabas sa datos na ibinahagi ni Ramirez na kahit pa nakapag-comply ang ilang opisina sa paggamit lalo na sa Maintenance and Other Operating Expenses o MOOE, mababa naman ang utilization sa Personal Services dahil umano sa maraming bakanteng posisyon sa mga opisina.

Komento ni Gov. Mamba, natapos na ang isang kwarto o ¼ ng taon at may mga mas mababa pa sa 25% ang utilization. Mas mainam aniya na magamit ito at mapakinabanagan ng mga Cagayano sa halip na maging savings lamang ito.

“Spend what is to be spent, ang mangyayari kasi diyan, ang daming savings. Walang aaksyunan kung walang galaw ang department. See to it na updated sa finance sa bawat opisina. Mag concentrate, wala munang bakasyon. Ang daming i-impliment. This is a very busy time for all of us. Spend this for our people, dahil kanila ito. Especially our infrastracture. It is not ours,” sambit ng Gobernador.

Kaugnay rito, isa-isa namang ibinahagi ng bawat departamento ang kanilang accomplishment report at mga gaganaping aktibidad sa susunod na quarter ng taon, katulad ng Office of the Provincial Agriculturist (OPA) sa accreditation ng Technical Education Skills and Development Authority (TESDA) ng iba pang mga training sa Anquiray Farm School; pagsasagawa ng audit sa mga ibinabang pondo mula sa “No Barangay Left Behind” ng Internal Audit; ang pagprisinta ng No Barangay Left Behind (NBLB) program audio-video presentation para sa nalalapit na re-launching programa; ang kabuuang naibabang pondo para sa mga purok agkaykaysa scholar ng lalawigan at sa susunod pang distribusyon; ang nakatakdang pagbisita ng mga medium and large entrepreneur mula sa iba’t ibang sulok ng bansa kasama ang Provincial Tourism Office; Semana Santa related incidents na naitala ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO); bilang ng mga nabigyan ng tulong pinansyal mula sa Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO); real property and business tax collection ng Treasury Office at implementasyon ng Tupad, SPES. at SPAS.

Nagprisinta rin ang 12 district hospitals ng kanilang mga programa at aktibidad ganoon na rin ang kanilang bed occupancy rate at bilang ng mga kliyenteng bumibisita sa mga ospital at ang bayad mula sa PhilHealth.